maikling kwento 1st 2006
DESCRIPTION
Halimbawa ng isang maikling kwentoTRANSCRIPT
SI Intoy Syokoy ng Kalye Marino
Ni Eros Atalia
Intoy! Intoy! Bangon, alig! May alig! bumalinghat sa kanya ang tawag na
iyon. Tinig iyon ni Mang Amor. Halos magiba ang kanyang pintong yari sa
pinagtagpi-tagping lawanit, plywood at palapa ng nyog. Pagbukas nya ng pinto ay
bumulaga si Mang Amor na hawak ang sagwan habang may supa pang sigarilyo.
Gaya ng dati, nakamaong lang itong shorts at hubad. Nakahambad ang sunog-sa-
araw at tubig-alat na katawan. Ngunit ang nag-aagaw na itim at uban na buhok ay
hindi nagpapahalatang anak-dagat si Mang Amor.
Ay! Digrasyaw bo! Bilis, baka may masagip pa tayo, pabateng itinapon
ang paubos nang sigarilyo sa tulay na kawayan. Tinapakan. Isiniksik sa pagitan ng
mga kawayan. Dumura. Sumunod ka na, ibababa ko na ang lunday.
Putang ama, alig. Nakow po! Patay tayo nyan. Bakit ngayon pa?
Bakit ngayon pa? ang rapido ng tanong ni Intoy sa sarili habang minamadali ang
paghahanda sa gagamitin. Salaming panisid, gwantes, kutsilyo, boya, pamadyak,
plehe at straw. Isinuot ang shortpants na panlusong. Wala ng panahon para
magkape. Sa ganitong panahon, oras ang kalaban. Dalawang basong tubig ang
almusal. Nagpahabol pa ng isang lagok ngunit di nya nilunok. Ibinabad sa bibig.
Habang lumalabas ng bahay ay minumog ang tubig. Sinulyapan ang relos sa
dingding. Menos dyes para mag alas sais. Ibinuga ang minumog sa tulay na
kawayang kadikit ng pinto ng kanyang bahay.
Kadugsong ng kanyang bahay ang pantalan. Doon binabara ni Mang Amor
ang lunday nito para matignan-tignan at magamit agad kung kinakailangan.
Nakababa na ang lunday. Akmang gagaod na si Mang Amor. Pandalas sya ng baba.
Dahil kung hindi, madali itong tumaob. Di tulad ng mga bangkang de katig, matatag
sa tauban. Yun nga lang, di maipasok ang mga de katig sa gitna ng mga baklad.
Pano nyo nalaman?
Kay Enoc. Mag-aahon sana sya. May order ng limang sako ang Baclaran.
Naunahan sya ng alig. Lalos daw pati pabitin at palutang.
Kakaputok pa lang ang araw. Malamig pa ang hanging labi ng nagdaang gabi
sa palabas na Nobyembre at papasok na Disyembre. Maliban sa plastik, goma, sako
at kung anu-anong basura ay may mangilan-ngilan pa ring patay na water lily na
sumasabit sa kanilang sagwan. Water lily na tangay mula pa sa look ng Maynila,
galing sa tubig-tabang. Pagkaraan ng ilang araw na animo kusang pagpapatianod
mula Maynila patungo sa dalampasigan ng Cavite, maninilaw hanggang sa maging
kulay bulok na kahoy ang lulutang-lutang na dating matingkad na berdeng halaman
na kinilala na sa tawag na water lily. Ngunit ang lamig ng umagang iyon ay hindi
nakapigil sa ilang magtatahong na maisasalba pa ang kanilang tanging kabuhayan
mula sa pesteng alig na dumadalas na ang dalaw nitong nakaraang mga taon.
Nakita nilang marami na ring pumalaot para sagipin ang pwede upang sagipin.
Kitang kita nila ang animo’y natapong hugas-bigas sa dagat. Kalat-kalat.
Mainit-init. Sumasabay sa agos at galaw ng dagat. Malas na lang at siguradong
ubos ang madadaanan tahong, talaba o halaan ng pesteng hugas-bigas na ito.
Swerte ang naiwasan, sa ngayon, pero bukas-makalawa ay para itong
nakakalokong bumabalik. Iyan ang alig.
Ano, Amor… ano balita sa ‘yo? Intoy Syokoy, tapos mo dyan, daanan
mo ang pwesto ko. Magpapalinis ako sa ‘yo. Sabi ng isa.
Si Kapitan nga raw, lalos ang trentang bila. Ako rin Koy! Pahabol ng
isa pa.
Tango lang sagot ni Intoy. Tuloy ang kanyang gaod. Ayaw nyang ipahalata
kay Mang Amor na umooo agad sya sa iba gayong hindi pa tapos ang obligasyon
nya sa matandang amo. Magkahalong tuwa at lungkot ang dala ng alig sa araw na
iyon. Tuwa, dahil kung maraming tinamaan ng alig, tiyak bukas at hanggat sa mga
susunod na araw ay maraming may tahungang magpapalinis sa kanya. Kikita sya
ng malaki. Lungkot dahil, bukas o sa mga susunod na araw pa sya kikita. Ngayon
nya kailangan ng pera. Ngayon nya sana aanihin ang sarili nyang tanim na tahong.
Ang mapagbebentahan ng sarili nyang maliit na tahungan sana ang tatapos ngayon
sa mahaba nyang paghihintay. Pero paano nya pupuntahan ang sarili nyang
tahungan? Magkasama sila ngayon ng amo nya upang silipin at sagipin ang
tahungan nito. Hindi rin alam ni Mang Amor na mayroon syang sariling baklad. Baka
isipin na ninanakaw nya ang binhi, kawayan, straw, plehe at boya nito at inililalagay
nya sa kanyang pwesto. Wala syang sariling bangka. Tanging bangka-bangkaang
gawa lang sa pinagdugtong-dugtong na sako ng bigas na nilagyan ng Styrofoam
ang nagsisilbi nyang balsa. Hindi iyon uubra na pagpatungan ng mabibigat. Kung
sya nga na bihasa na sa pagbabalanse sa lunday ay tumataob pa sa kanyang balsa,
ano pa kaya ang ikakarga ditong tahong?
Di hamak na mas malaki ang kikitain nya sa pagpapalinis ng mga baklad sa
mga susunod na araw. Sapat na para makapagsimula syang muling magtanim sa
kapiraso nyang pwesto. Sobra pa ng kaunti. Ngunit ngayon nya kailangan ang pera.
Sa unang pwesto ni Mang Amor sila pumunta. Itinali ng matanda ang lunday
sa isa sa mga nakausling tulos ng kawayan. Dalawa ang pwesto rito ni Mang Amor.
Bawat isa ay may tiglimang bila. Ang bawat bila ay may di kukulanging trentay sais
na kawayan. Kung sisilipin mula sa itaas, maitutulad sa isang malaking agaw-bitin.
Yun nga lang, may mga paang nakatulos sa dagat.
Marahan silang bumaba. Ramdam nya agad ang init ng alig. Malinaw-linaw
pa rin naman sa ilalim kahit na namumuti ang ibabaw ng dagat. Inisa-isa nya nag
haligi ng bila. Nandoon at nakakulumpon ang mga tahong na halos pambenta na
ang laki. Nilapitan nya ang mga ito. Sa kaway ng kanyang mga kamay at sikad nya
sa ilalim ng dagat, lumikha ito ng bahagyang pagkilos ng tubig. At iyun na. Lumuwa
ang laman ng tahong. Naiwan ang mga balat na nakakapit sa kawayan. Naglabusaw
ang tubig. Lumansa lalo ang dagat. Pinuntahan nya ang pabitin at palutang. Ang
pabitin ay ang mga tahong na nakabitin sa pagitan ng mga tulos samantalang ang
palutang ay tahong na nakabalot sa lambat na pinalulutang ng Styrofoam na
nakatali sa pagitan ng mga poste. Sinenyasan nya si Mang Amor. Ginilitan nya ang
kanyang leeg sa pamamagitan ng hintuturo. Tila nagsasabing “Nasintesnyahan na
ang tahong”. Umiling si Mang Amor. Isinenyas ng matanda ang mas malalim na
parte ng kawayan. Kahit parehas nilang alam na mas madaling mamatay ang
tahong sa mas malalim, nagbakasakali pa rin sila. Umahon muna sya para kumuha
ng hangin. Pinuno ang baga. At saka sumisid. Umahon na si Mang Amor. May edad
na ito ay hindi na kaya ang mas malalim.
Si Intoy ang bihasa sa lahat ng magtatahong sa Kalye Marino. Kaya nga sya
tinawag na ‘Intoy Syokoy’ dahil para nga raw itong syokoy na nakatatagal sa ilalim
ng dagat. Para bang may hasang ito tulad sa isda. Bagamat maipagkakamali na rin
si Intoy sa syokoy. Sunog ang balat sa araw at asin. Maligasgas. Makapal. At kahit
bagong ligo pa sya ng tabang, wag lang di pagpawisan ng kaunti ay amoy dagat
agad sya. Kulay kalawang ang buhok. Di nya na kailangang magpa-highlights pa ng
chestnuts o blond. Bilugan ang mga mata na pirming mapula dahil sa hapdi ng
tubig-alat. Malalapad ang mga palad at mahahaba ang daliri. Payat na mahahaba
ang mga brasot kamay, hita’t binti. Madaling lumubog, madaling lumutang sa
dagat. At mahahabang malalapad ang kanyang mga paa na kapag kanyang
ipinagdikit sa pagsikad ay aakalain mong buntot nga ng isda. Wala pang tumatalo
sa kanya sa bilisan ng paglangoy, palaliman at patagalan ng pagsisid.
Mapamatanda o mapabata panis lahat sila kay Intoy Syokoy. Sa edad nitong
disisais, mukha na syang beynte singko pero parang katawan ng trese anyos.Unat
ang kanyang mga kalamnan, balat, buto’t litid sa paglangoy at pagsisid. Ngunit
walang makaing matinong sustansya ang mga bahaging ito kung kayat sila-sila na
lang ang nagkakainan. Di tulad ng mga swimmer na atleta, bato-bato’t malalapad
ang katawan na umbok ang masel. Si Intoy, bato nga. Pero parang isang buhay na
posteng kongkreto.
Sisid si Intoy. Nangabay sa mga tulos ng kawayan. Hinihila ang sarili pababa
sa pamamagitan ng pabaligtad na pag-akyat sa palasebo. Inuga nya ang mga
pahalang na kawayan. Kinuskos ang mga nakakapit na tahong. Umalsa ang mga
laman, lumabusaw lalo ang tubig. Wala syang gaanong maaninag. Pinasya nyang
umahon na. Isang sikad paitaas.
Sisinghap-singhap syang umahon. Tinanggal ang salamin pandagat.
Ano?
Walwal! Kisay tayo, Mang Amor.
Ay! Digrasyaw bo.
Nagpasya silang tignan ang natitirang tatlong bila ni Mang Amor sa laot.
Madalas napapatawad ng alig ang laot. Di na nito kayang malason ang malayo sa
pampang. Malakas na ang alon doon at nadadala ng ragasa ng tubig ang peste.
May kalayuan nga lang ang pwesto ni Mang Amor. Mangangalay sila sa kakasagwan
at baka hindi nila mailigtas ang pwede pang mailigtas. Binilinan ng matanda si Intoy
na maghintay na lang sa lunday at babalikan sya ng amo gamit ang bangkang de
motor at saka hihilahin ang lunday sa laot. Nakisabay na lang pauwi ang matanda
sa isang kinawayang kapwa mangingisda para maidaan sa kanyang pantalan.
Mailigtas pa ang tahong kung maiaahon agad ito. Ang palatandaan, kapag sa
pagsisid ay nakabuka ang mga ito ngunit kapag ginalaw ay kusang magsasara.
Maibebenta pa kahit sambot puhunan man lang.
Sinamantala iyun ni Intoy. Pandalas syang gumaod papunta sa kanyang
pwesto. Mga dalawandaang metro ang layo noon sa pwesto ng kanyang amo. Wala
syang palatandaan sa kanyang baklad di tulad ng iba na may mga bandila o boyang
malalaki. Basta’t kinabisa nya na lang kung san iyon . Di halatang may tahungan sa
kanyang piniling pwesto, kasi nga, di nakausli ang mga kawayan. Malilit na kawayan
lang ang kanyang ginamit. Di pansinin kumbaga. Sobra lang ang mga iyon sa
kanyang mga pinagtrabahuhan. Sinabi nya na lang na gagawa sya ng balsa-balsang
kawayan. Isang bila lang iyun. Iilang tumpok ng semilya ang kanyang nilagay doon
buhat na rin sa isang nagpatanim. Sobra ang semilya, kapos sa kawayan. Wala
nang pabitin at palutang. Magastos sa straw, Styrofoam at plehe ang mga iyon.
Puro tali na lang sa bila ang ginawa nya. Sya lang ang gumawa ng lahat ng iyon.
Natutunan nya yun simula noong sya’y nwebe anyos pa lang. Sa pamamagitan ng
pagsama-sama sa mga nagtatali, naglilinis, nagbabaon, nag-aahon at kung anu-ano
pang trabahong may kinalaman sa pagtatahong. Masasabing isa na sya sa batikan
sa larangan ng pagtatahungan. Wala nga lang sapat na kapital para makapagtanim
ng malakihan.
Sa gulang na lima natuto na syang lumangoy nang itulak sya ni Bertong Baka
palabas ng pantalan. Tawanan ang mga kalaro nya. Sina Yeyeng Tikol, Boyet
Bagol at Doray Langaw. Narinig nya ang tawanan ng lahat kahit pa na sisinghap-
singhap sya.
Yaaah! Si Intoy Kuting, di makalangoy. Kantyaw ni Bertong Baka.
Kuting! Kuting! Kuting! ang sigaw nina Boyet Bagol at Yeyeng Tikol.
Kuting pa noon ang bansag kay Intoy. Tatay nya kasi si Landong Pusa.
Mahilig manghuli ng pusa para gawing pulutan. Namatay ito nang tumalon mula sa
pantalan dahil sa sobrang kalasingan.Tuhog ang leeg at tagos sa balakang ang tolos
na kawayan ang eksenang tumambad isang umaga sa pantalan. Pagkalibing ng
tatay nya ay nawala ang ina. Balita’y sumama na sa isang drayber ng bus at iniuwi
ng probinsya.
Tumigil sa pagtawa si Doray nang mapansing hindi na yata makakawag ang
kalaro. Baka nalulunod na si Intoy.
Uy, ang langaw, nag-aalala sa kuting. Alaska ni Yeyeng Tikol.
Pagnamatay ang kuting, lalangawin naman. Hirit ni Boyet.
Sinagip din sya ng mga kalaro. Bagamat umiiyak si Intoy at nagtatawanan
ang kalaro, nakuha pa rin nilang magbiruan.
Tang na ka, Kuting ka kasi kaya takot ka sa tubig, si Boyet uli.
Sa dami ng nainom mong dagat, mamaya, pati utot mo at dighay,
amoy dagat.” Alaska ni Yeyeng Tikol.
Simula noon, palihim na nag-aral lumangoy si Intoy. Sa una ay pakuya-
kuyapit pa sya sa mga poste sa silong ng mga bahay. Hanggang sa poste ng
pantalan. Hanggang sa magpalipat-lipat na sya ng poste ng mga pantalan.
Hanggang sa kaya nya na talagang lumangoy. Hanggang sa kaya nya nang
makipaghagaran-taya sa mga kalaro. Sya ang laging panalo sa karera sa
paglangoy. Sya ang pinakamatagal sumisid. Di baling makainom sya ng tubig at
magkasugat-sugat sa mga nakausling kawayan o poste, basta’t doon man lang ay
ituring syang magaling, sa paglangoy at pagsisid.
Sa kanilang magkakaibigan, si Berto ang pinakamalakas. Punggok na malaki
ang katawan. Bato-bato. Tagaigib ba naman ng tubig-tabang sa buong isikinita nila
kung hindi lumaki ang katawan at mapunggok. Tinawag itong baka dahil atungal
baka si Berto pag pinapalo ng kanyang nanay. Gala, malakas ang loob at may
kakulitan. Kasama nya ngayon ito sa inuupahang maliit na bahay-bahayan sa tabing
dagat. Kasalukuyang tagahugas ng bus. Madaling araw ang pasok, bago
magtanghali ang uwi.
Si Boyet ay binansagang bagol kasi nahuli itong nangungupit ng bagol sa
tindahan. Bata pa lang daw kumakana na. Ewan kung likas na malikot ang kamay.
Naging batikang manananggal (ng sinampay, gamit, bisekleta) sa kanilang
baranggay at pinagkakaisahan ng gulpihin ng taong bayan. Hanggang sa hindi na
makita. Ang huling balita ay nakakulong daw ito ngayon sa Maynila.
Si Yeyeng Tikol sana ang matalino sa kanilang lahat. Ito lang ang
nakatuntong ng mataas-taas na pinag-aralan kung hindi lang nagkaletse-letse.
Matapos ng limang taon sa Saudi ang kanyang ama, umuwi itong una ang ulo at
isinunod na lang ang katawan. Noong malilit pa sila, pirming nakapasok ang kamay
ni Yeye sa loob ng shorts. Nagtitikol daw. Nang magbinata, di na sya tinawag na
Yeye Tikol, Ariel na (ito ang tunay nyang pangalan), di na raw pwede ang tikol.
Malaki na kasi kayat Ariel Burat na sya ngayon. Nahilig mag-aral kahit walang
laman ang bulsa at tyan, natutong mag-shabu. Kaya’t si Yeyeng Tikol o Ariel Burat
ay madalas nasa kanto ng Kalye Marino, nagtatawag ng mga dalagitang naglalakad
habang ipinakikita ang pagbuburat.
Si Doray Langaw… ano ba ang kadalasang kwento ng lumaki sa iskwater na
walang pinag-aralan, na iniwan ng mga magulang at tumayong ina’t ama sa
dalawang nakababatang kapatid, na may itsura naman kahit papaano basta’t
maliligo lang at magsisipilyo, magpulbos ng kaunti at lipstik? E, di puta. Di naman.
Di naman puta si Doray Langaw. Pakangkang lang daw ito sa mga mambabasnig.
Ang basnig ay malaking bangka na tumatagal ng ilang linggo sa dagat. Sari-saring
isda ang huli ng mga ito. Pagkadaong sa katihan o barahan, magbebenta ng isda
ang mga mambabasnig sa namamakyaw sa pandawan. At dadayo doon si Doray.
Tilapya naman nya ang kanyang ibebenta. Huhugasan sa hapon para maagang
mabenta. Mabilis kasi itong mabilasa sa gabi. Kasi naman, kahit disisyete pa lang
ang kanyang tilapya, para na itong kwarentay singko anyos na galunggong. Kung
malakas ang benta, maagang gagarahe si Doray. May pambili na ng pagkain at
bigas. Kung mamalasin at babaratin ang kanyang tilapya, palit-isda na lang. Okay
pa rin. Ibebenta na lang nya kinaumagahan ang isdang ipinambayad sa kanyang
inilakong tilapya noong nakaraang gabi.
Gaya ng inaasahan ni Intoy, lalos din ang kanyang tahong. Sa kalkula nya,
maibebenta nya sa pakyawan ng tatlong daan ang laman ng kanyang tahungan.
Sya at ang mga tulad nya na naghintay ng anim hanggang pitong buwan na
namuhunan ng sipag mula sa pagtatanim, pagbisita kada ilang araw, paghigigpit sa
mga taling maluluwag, pagtatanggal ng mga kumapit na basura, pagluluwag ng
mga sobrang sikip na pagkakatali. Malamang, mga kinseng galon sa bente pesos
bawat isa. Matatapos na sana ang kanyang paghihintay. Nagkaayos na sana sila ni
Doray.
Agad syang bumalik sa lugar na pinag-iwanan sa kanya ni Mang Amor. Maya-
maya pa ay dumating na ang amo. Hila-hila ng bangkang de motor ang
kinasasakyan nyang lunday. Tumataas na ang araw. Sumisilaw na sa kanyang
mata ang repleksyon nito sa dagat. Wala sa loob nya ang paglimas ng tubig sa
lunday. Saan sya kukuha ng pera? Paano na ang usapan nila ni Doray? Pwede
kayang bumale na agad sa kanyang mga lilinisan?
Toy, kung talagang kursunada mo ang tilapya ni Inday, dapat
bayaran mo rin ‘yun. Kahit pa magkakaibigan tayo, abay bisnis is bisnis,
sabi nga ng titser natin sa H.E., si Bertong Baka.
Ulol! Tang ‘nang ‘to, sama ng isip. Wala pa sa isip ko yung iniisip mo. ‘Yan ang
napapala mo sa pakikiusyoso sa kwentuhan ng mga drayber at konduktor.
Eh, kung kuskusin din kaya kita tulad ng pagkuskos ko sa bus? Di ka pa kasi
nakakatotkans kaya ka ganyan magsalita. Totoy ka pa! Tagal na nating tule,
totoy ka pa rin!
At ikaw… matanda na? Buwan lang ang tinanda mo sa akin ‘no? Row por ka
talaga!
Palkups ka talaga! Apat na ang natotkans ko. Si Jenny Kikay, nilibre ko lang ng
Mc Do at ibinili ng t-shirt sa ukay ukay, nakalaykay ko na ang kiki ni Kikay. Kaya
lang amoy ukay-ukay din ang puday ni Kikay. Maluwag na rin. Si Che-che Tatse,
niyari ko ng patuwad sa pantalan ni Mang Amor. Ah, yun, syinota ko talaga
muna. Ako nakauna dun. Si Neneng Bayag, syinota ko rin. Pero pakiramdam ko,
ako ang syinota. Dito ko sa ‘tin kinana ‘yun. At ang di ko makakalimutan.. si
Selyang Kuto. ‘Yun ang dumunselya sa akin.
Napatigil si Intoy sa paghihimay ng straw na pagbabalutan ng similya. Inusisa
ang sinabi ng kaibigan. Kilala kasi si Selyang dating star ng beerhouse. Halos
nagbibinata’t nagdadalaga na ang mga anak nito at napabalitang kinukuto. Di nya
alam kung inaabatan lang sya ng reaksyon ng kasama sa bahay na washer na bus.
Baka nga nagbibiro ang kaibigan.
O, lalong lumalaki ang mata mo, Lalo kang nagmumukhang lasing na syokoy.
Wala ng kuto ‘yun. Magaling na nung kinana nya ako. At por yur inpurmesyun, di
ko binayaran ‘yun. Sya pa ang nagpainom. Kursunada siguro ako. Pabertdey nya
raw sa akin. Sya ang nakaberdyin sa akin sa edad kinse.
Kursunada nga ni Intoy si Doray. Matagal na. Kahit na noong mga bata pa sila. Di
nya alam. Di naman maganda si Doray. Busangot ang nguso at bahagyang
nakatikwas ang ilong. May katabaan at tulad nyang pwde ring makaliskisan ang
balat. Siguro ay ang malamlam nitong mga mata. Siguro ang kulot nitong buhok.
Siguro ang kabaitan nito sa kanya. Siguro dahil parehas silang wala ng mga
magulang. Siguro dahil sa maagang bumalikat ng mga kapatid. Siguro ay
maagang namulat sa pagtatrabahong tulad nya. O dahil palakaibigan ito di tulad
nyang tahimik. Kaya nga raw ito tinawag na Doray Langaw dahil laging
nakadapo sa tumpukan ng tao. Bata, matanda, kapwa babae o mapalalake,
kakilala o hindi. Alam na nya at ng buong Kalye Marino ang trabahong paglalako
ng tilapya ni Doray. Sa gabi, pupunta ito sa barahan ng basnig malapit sa
Philippine Navy, sa likod ng City Hall. Makikipagtawaran sa mga mambabasnig.
Sa kwento ni Berto at ng mga kakilalang mangingisda, pwede na raw sa
dalawandaan. Syempre, doon sa batuhan o sa mismong bangka, o kaya sa
basnig, o kaya sa mga pantalan pinupusta ang tilapya ni Doray. Kapag bilog ang
buwan, walang gaanong kita ang mga mambabasnig, isda ang bayad sa tilapya
nito. Payag na rin si Doray. Kinabukasan, ilalako nya naman ang mga ito. O kaya
dadalhin sa palengke, sa isang plangganita kadalasang asubi, kanglay, samaral,
banak, bangus-alat o tamban, sa isang sulok, o sa daanan ng tao… ibinebenta ni
Doray ang mga isda. Minsan, sa awa nya kay Doray, binibili nya agad ang lako
nito kahit pang may huli rin syang isda o binibigyan sya ng parte ni Mang Amor
sa pangingilaw sa gabi o pamamandaw sa hapon.
Mabait sa kanya si Doray dahil maliban kay Berto, ito lang ang nagtityagang
makinig sa kanyang mga kwento at pantasya. Si Doray lang ang nagpapaalala sa
kanya na mas maswerte sya kaysa dito. Na sya ang pinakamagaling na maninisid,
magtatali, mag-aani at maglilinis ng tahong. Sya ang pinakamabilis sa languyan.
Sya ang pinakatumatagal sa sisiran. At si Doray lang sa buong Kalye Marino ang
tumatawag sa kanyang pangalan nang di kakabit ang “syokoy”. Di nya alam kung
may gusto rin sa kanya si Doray. Baka kasi nagpapasalamat lang ito sa madalas
nyang pag-aabot ng bungkos ng tahong dito. Baka naman, pinaglalakuan na rin sya
ng tilapya nito kapalit ng maraming bungkos ng tahong.
Marami ang umaasa sa tahungan. Ang Kalye Marino ay hindi na Kalye Marino
kung wala ang mga magtatahong. Sinasabi ng mga matatanda na tinawag ang
kanilang lugar na Kalye Marino simulang gawing Base Militar ng mga Amerikano
ang dulo ng kanilang lugar na pinangalanang Sangley Point Naval Base. Ang
tumbok daw ng kanilang Kalye ang unang gate ng Sangley Point. Kayat sa kanilang
kalye dumadaan ang mga sundalong Amerikano para maglabas-masok sa base.
Marines o marino ang kadalasang sundalong dinadala sa Sangley. Nilipat lang ang
gate sa tumbok ng pangunahing lansangan dahil may napatay na puti nang
makasaga ito ng batang naglalaro sa Kalye Marino. Balita’y sa sobrang kalasingan,
nakaladkad ang bata hanggang sa gate.
Maraming dumayo sa kanilang lugar dahil sa trabaho. Shoe shine, sastre,
driver, bugaw, puta, tindero at kung anu-ano pa. Dumami ang dumayo sa lunsod ng
Cavite para makipagsapalaran sa pangakong kaunlarang dala ng bawat barkong
nag-aangkla sa baybayin ng Kalye Marino. Sumigla ang transportasyon. Dumami
ang tao. Lumaki ang palengke. Nagkaroon ng sinehan. Libangan. Putahan. Sugalan.
Dumami ang simbahan. Kayat ang pampang ng Kalye Marino ang sinumulang
tayuan ng barung-barong. Sa simula’y mga dalawampung bahay lang daw ang
kulang sa isang kilometrong kalsadang sumasanga mula sa pangunahing lansangan
patungo sa base. Nang maglaon, ang dalawampu’y nanganak nang nanganak. At
ngayon nga ay ilang metro na ang sinakop ng mga bahay mula sa pampang
papuntang dagat. Di daw pinapansin ang tahong noong panahon ng mga
Amerikano. Ginagawa lang daw itong pain sa isda. Ang mga tahong ay kusang
tumutubo sa mga batuhan o breakwater, barkong lubog, mga poste ng bahay sa
pampang. Maraming mangingisda sa Kalye Marino noong panahon ng mga
Amerikano. Suki ng mga ito ang mga puti lalong lalo na sa malalaking isda, hipon,
alimasag, pusit, pating, talaba at iba’t ibang lamang dagat. Dumami ang tao sa
pampang ng Kalye Marino. Dumami ang tao sa mga pampang ng Lunsod ng Cavite.
Dumami ang tao sa pusod, dibdib at bituka ng lunsod. Dumumi ang dagat. Pinalitan
ng burak ang dating buhangin. Sa paglisan ng mga Amerikano at lumipat ang base
sa Olongapo, marami ang naglupasay sa lungkot at pagkalugi. Nagsara ang
maraming beerhouse, kainan, patahian, pasadyaan ng sapatos at iba pa. Nawalan
ng trabaho. Nawalan ng pag-asang makapag-asawa ng Amerikano ang mga puta.
Nabaling ang pansin ng iba sa dagat. Marami ang pumapalaot. Ngunit katagalan,
mas marami pang plastik at basurang nalalambat kesa sa isda. Sumasabit ang mga
kawil sa tela, sako at lata. Pinalitan ng burak ang dating puting buhangin ng
pampang. Kayat tahong ang pinagdiskitahan ng ibang dating mangingisda.
Trenta’y singko pesos kada galon ang benta nina Mang Amor at Intoy sa
tahong kapag tingi. Sa mga walang-wala, ulam na ito maghapon. Sabawan lang,
tiyak na may mahihigop at mailalaman sa kumakalam na tyan at pang-ulam sa
maghapon ang isang pamilya. Ibang usapan at presyuhan kapag pakyawan. Ibig
sabihin, lahat ng laman ng tahungan, aanihin t. Libo ang turingan dito. Naging
popular ang Cavite dahil sa tahong. Partikular ang Lunsod ng Cavite. Partikular ang
Kalye Marino. Manamis-namis daw ang tahong hango sa baybayin ng Kalye Marino.
Haka ng matatanda, dahil daw sa agos mula sa Maynila-Bataan. Hula naman ng
ibang lasenggero ay dahil sa ebak ng tao. Kunsabagay, lahat naman ng idinidiposito
sa banyo sa lahat ng pampang ng Lunsod ng Cavite ay sa dagat ang diretso. Maging
ang tambakan ng basurahan ng lunsod na ito, sa pampang din sa likod ng
sementeryo matatagpuan.
Isinoot ni Intoy ang salaming panisid at pamadyak. Mapapalaban sya ng
sisiran. May kalaliman ang pwesto ni Mang Amor. Nagdoble sya ng gwantes. Mas
makapal ang taliptip sa kawayan sa laot. Higit ng hininga. Sisid. Sikad at padyak
habang kagat-kagat nya ang kutsilyo. Binaybay nya ang mga bila. Niluluwa na ng
mga tahong ang sarili nitong laman. Lumabusaw ang tubig. Binisita nya ang mga
pabitin. Gamit ang kutsilyo, pinutol nya ang isa sa mga ito. Dumiretso sa isa sa mga
palutang. Pinutol nya rin. Umahon. Ipinakita sa amo. Nakanganga ang balat. Wala
na ang laman. Nadale ng alig.
Sabi ng ibang beteranong magtatahong, kelan lang daw nagkaroon ng alig.
Nagsimula lang daw ito nitong huling dalawang dekada. Ang paniniwala, dahil sa
labis na dumi na ng dagat. Ang paniniwala ng iba, ang alig daw ay ang dumi,
kemikal at lasong nakaimbak sa mga pusali, imburnal at kanal ng lunsod na
nabasa’t natuyo sa loob ng ilang buwan. At kapag bumuhos ang malakas na ulan,
iaagos ang ragasa ng tubig patungong pampang, lilikha ito ng kawalan ng balanse
ng lamig, init, alat at iba pang kemikal at mikrobyo sa dagat. Kung tuba ang
ikinamamatay ng isda, at red tide sa tao, alig naman ang sa tahong at mga lamang
dagat.
Paano ba nya sasabihin kay Doray ang lahat? Na gusto nya ito. Kung mahal,
hindi nya, di nya alam. Basta’t kung may magagawa lamang sana sya, ayaw nya na
itong makikita sa barahan ng basnig. Kung pwede lang sana, sabihin nya na kay
Doray na tutulungan nya na lang ito sa pagbuhay sa dalawa nitong kapatid. Kaso,
alam nyang di sapat ang pagsesrbisyo nya sa mga tahungan. At ang kaunti nyang
tanim na tahong ay di rin uubra. Kada anim na buwan ba naman umani ng tahong
at lagi pang inaaabot ng alig, gaganahan pa ba syang magprisinta ng tulong kay
Doray? Si Doray na nga lang yata ang ‘dalagitang’ may itsura sa kanilang looban.
Kung hindi man mukhang sirena sa imburnal, madalas na mukhang igat ang mga
kababaihan sa kanilang iskinita. Minsan, kapag naliligpo sila sa dagat ni Bertong
Baka, makikisabay ito kasama ang dalawang kapatid. Tinuturuang lumangoy ni
Doray ang mga ito. Sa laki ng tyan, ika nga ni Berto, para daw itong mga buteteng
laot. Siyang siya si Intoy na makita ang pagkakahapit ng t-shirt sa may katabaang
katawan ni Doray tuwing aahon sa dagat at magpapahinga sa pantalan. May kung
ano syang nararamdaman na di nya ginusto. Marapat sabihing ayaw nya nga.
Pumapalag ang palos sa kanyang short pants. Kumikiwal-kiwal. Kumikibot-kibot. Di
nya alam kung dahil lang sa pagkakatuli nila ni Berto noong nakaraang taon.
Syoyotain nya rin kaya si Doray tulad ng ginagawa ni Berto? At pagsyota na,
gagawin rin kaya nila ni Doray ang ginagawa ni Berto kina Jenny Kikay, Cheche
Tatse, Neneng Bayag at Selyang Kuto? Ayaw pa nyang isipin ‘yun. At hindi pa sya
marunong. Tuturuan kaya sya si Doray? ‘Yun ang lalo nyang ayaw isipin. Pero
paano nga nya sasabihin kay Doray? Gusto nya ba itong mahalin o anuhin lang. O
mahalin at aanuhin din pagkatapos.
Kagabi lang, nang hihilahin ni Intoy ang mga inorder na kawayang ibinagsak
mula sa Maragundon sa barahan ng basnig, nakita nya doon si Doray. Kausap ang
ilang mambabasnig. Iniwasan nya ng titig ang kababata. Bagamat alam ni Doray na
alam nya at ng buong taga-Kalye Marino ang trabahong pagbebenta ng tilapya sa
mga mamabasnig, ano’t parang nahihiya pa rin sya para dito? Sige ang tali nya sa
mga kawayan para hilahin ng bangkang de motor at ilalagay sa silong ng kanyang
pantalan. Binayaran nya ang nag-deliver ng kawayan. Inabutan sya ng singkwenta
pesos. Parang komisyon na yun sa kanyang pag-order sa kausap.
Intoy! alam nyang si Doray ‘yun.
Kunwa’y di nya narinig. Pandalas sya ng lakad papunta sa bangka. Tinawag
syang muli ni Doray, Sunud-sunod na. Di na nya maiiwasan.
Anyong sinino nya pa ang tumatawag. Maliwanag ang kalangitan. Bilog na bilog
ang buwan at waring nagbubunyi ang lahat ng mga bituin. Nasinagan ng liwanag
si Doray. Puting t-shirt at shorts na dilaw ang soot nito. Nakatsinelas. Bahagyang
pinapula ang labi at litaw ang layo ng kulay ng mukha sa leeg gawa ng kulapol
ng pulbos. Basa pa ang buhok. May labi pa ang bango ng shampoo at sabong
pampaligo. Inihatid sa kanya ng hanging habagat ang samyo ng bagong
paligong kababata. Di magkandatuto si Intoy sa pagbatak ng tali para mag-start
ang motor ng bangka.
Uy, kaw pala. Anong ginagawa mo dito? Gabi na ha? Sino naiwan sa
mga kapatid mo? repeke ng kanyang tanong. Kahit alam nya ang sagot sa
kanyang mga tanong. Ano kaya’t sumagot si Doray ng ganito: “Kabron ka talaga.
Alam mo naman na nandito ako para magpakangkang. Natural gabi. Gabi lang
naman bumabara ang mga basnig. At alam mong walang naiiwan sa mga kapatid
kong natutulog na.”
“Mahina ang huli. Bilog ang buwan. Wala akong maiuuwi. Di bale, baka bukas,
siguro.”
Di nakapagsalita si Intoy. May naglaro sa isip nya. Ano kaya kung sabihin hya
kay Doray na sya na lang magbabayad? Pero di nya aanuhin si Doray. Pauuwiin nya
lang ito. Para bang gusto yang iligtas si Doray mula sa mga asal pating na
mambabasnig. Mga pating na basta’t makakuha lang ng tyempo, sasakmalin agad
ang malilit na isda. Pero alam nyang ilang ulit nang nasakmal ang tilapya ni Doray.
Paulit-ulit. Minsan nga, ayaw na ng ibang mambabasnig. Paitlugan na raw ang
tilapya ni Inday. Gusto nila ng mas sariwang tilapya. Mas mahal nga lang. Okay lang
daw, sulit naman. Habang tumatagal ay pababa ng pababa ang presyo ni Doray.
Noong una, hanggang limang daan ay nabibili ang kalakal ni Doray. Pero makalipas
ng dalawang taon, swerte na ang tatlong daan. Kaya doble ang kayod nito. Mula
alas sais hanggang mga alas dose. Sa barahan, marami ang tulad ni Doray. Alas
sais ay labasan na ng mga paninda. Inilalako sa mga parukyano. Pag may bumili,
ayos na. Boundary na. Yung iba, uulit pa. Pangreserba ‘ika nga sakaling tumumal
ang bentahan kinabukasan. Pagsapit ng mga alas nwebe, alas dyes, pababa ng
pababa ang kanilang presyo sa paniniwala ng mga basnig na bilasa na sila.
Nakailang pisil at pindot na sa kanilang tilapya ang mga mambabasnig. Kung
talagang matumal, dumadayo pa ang mga ito sa Villamar Beach sa Noveleta. Mga
magpupukot naman ang aalukan ng tilapya. Kaso, mas nakakatakot daw dun.
Marami sa tulad nila ang nagkasakit. Na-red tide ika nga. Wala pang ganoong
tapang si Doray.
Pasabay naman, kung uuwi ka na.
Oo ba.
Sa loob ni Intoy, sayang din ang ang kinse pesos na ibababayad ni Doray sa
dyip. Isang sakay mula barahan hanggang sa may simbahan. Tapos mula simbahan,
isa pa uling dyip pa-Sangley. Kung lalakarin, mga medya oras din. Delikado, gabi
na. Ibinaba nya si Doray sa kanyang pantalan. Bandang bukana ng iskinita ang
bahay ng kababata.
Naberdyin ka na ba, Intoy? Balita sa ‘kin ni Berto, di ka pa raw. Sya
daw madami na. Yabang nun no? Madami na raw syang na-ano. Eh, kung
sinu-sino lang naman ang mga ‘yun. Sina Jenny Kikay na inakan ng mga
kundoktor at drayber, si Neneng Bayag na pekpek palit bato, si Selyang
Kuto na tinatanggihan na sa basnig at si Che-Che Tatse, ekskyus lang no,
mas mataba pa sa akin ‘yun. Ang mga type talaga ni Baka… ‘la pala sya.
‘Kaw, type mo ba ang tulad ko? ang parang walang anong tanong ni Doray.
Alam ni Intoy na si Bertong Baka ang nagnguso kay Doray. Di nya alam kung
matutuwa sya o magagalit sa kaibigang washer. Di nya alam kung talagang
nagmamalasakit sa kanya ang kaibigan o ibinubugaw lang talaga sya. Di nya alam
kung nakikipagsyota na sa kanya si Doray o simpleng pinaglalakuan lang sya ng
tilapya nito.
Sige, bukas, di ako pupunta sa barahan. Puntahan kita dyan sa inyo.
Ha, a, eh, si Berto, eh…
Sus, pakipot pa ‘to. Alam ko namang gabi ang alis ni Baka at umaga na ang uwi.
Basta, mga ala una, baka may makakita sa atin eh. Iwan mong bukas ang pinto
mo.
May gusto rin ba sa kanya si Doray? O baka naman magpapaano lang sa
kanya? Kung magpapaano ito sa kanya, gusto ba talaga iyon ni Doray o may bayad?
‘Bisnes is bisnes’ ika nga ni Berto. Baka nga. Ampanget. May bayad. Ibig sabihin
nun di rin sya mahal. Pero, nagbebenta naman ng tilapya si Doray sa kung sinu-sino
lang, bakit hindi pa sya ang tumangkilik sa paninda ng kababata? Mabuti na yun,
kung sya man ang kakain ng tilapya ni Doray, gusto nya talaga ito.O mahal na
siguro.
Halos hindi makatulog si Intoy nang gabing iyon. At napagpasyahan nya na
kailangan nya ng pera. Kung sakaling humingi ng kabayaran si Doray, hindi sya
mapapahiya. At ang nasa isip nya nga ay ang hanguin ang lahat ng tahong nya
at ipapakyaw sa mga nagtitinda sa kanilang kanto. Bagsak presyo na. Kahit
tatlong daan, payag na sya. Bibili sya ng pandesal at mantikilya, kape’t asukal
sa panaderya sa kanto para may pagkain sila. Bibili rin sya ng shampoo at
sabong mabango. Puro sabong panlaba na lang kasi ang natitikman ng kanyang
ulo at katawan. Bibili rin sya ng colgate. Baka amoy dagat pa sya, nakakahiya
naman. Baka maalat ang laway nya, nakakahiya naman. Pag-alis ni Berto, saka
sya maglilinis ng bahay. Baka makahalata kasi ang kaibigan kung maaga nya
itong gagawin. Maglalaba rin sya ng kumot at punda. Ibinibilad nya sa araw ang
banig at unan. Mag-iipon sya ng tubig-tabang.
Ngunit ngayon, pinatay ng alig ang sagot sa mahabang paghihintay ni Intoy.
Itutuloy pa ba nya? Ano ang ikakatwiran nya kay Doray? Na wala syang pera? Paano
kung gusto pala talaga sya ni Doray at hindi ito nagpapabayad? Baka naman
magalit sa kanya ito at isiping itinututiring niya rin tulad ng pagturing ng sa kanya
ng mga mambabasnig?
Sige ang murang pa-Chavacano ni Mang Amor. Digrasyaw bo, kabron!
Pinagpuputol ni Mang Amor ang mga pabitin at panabit. Si Intoy, kinayas nya
ang mga bila at poste. Tinanggal ang mga balat ng tahong na wala ng laman.
Lumalabo ang tubig sa tuwing babagsak sa burak ang mga bungkos na patay na
tahong. Awtomatiko at mabilis ang kilos ni Intoy kahit wala sa loob ang trabaho.
Lalo pang lumalabo ang tubig sa mga laman ng tahong lumulutang sa paligid na
umaalsa mula sa kinayas na tahong sa mga bila at posteng kawayan. Ilang oras
lang at malinis na ang dalawang pwesto ni Mang Amor. Bukas na nila itutuloy ang
paglinis sa iba. Pahapon na. Gutom na sila at giniginaw hatid ng hanging pasko.
Nanguluntoy na ang kanilang balat sa kamay at talampakan. Sugat-sugat ang
kamay ni Intoy sa talim ng mga taliptip at tahong. Di sya naipagtangol ng manipis
at magupok nyang gwantes.
Gabi. May taklob ang nakahanda nang pandesal at mantikilya. Katabi ng
kanin at ulam na ipinagtabi ni Berto kaninang hapon bago ito umalis para
maghugas ng bus. May mainit na tubig sa termos. Nakahanda na rin ang tinging
kape at asukal. Salamat sa isandaang paunang bayad sa kanya ni Mang Amor sa
paglilinis ng mga pwesto maghapon. Ngunit hindi sya nakapaglinis ng bahay. Hindi
nya rin nalabhan ang kumot at punda ng unan. Di nya rin naibilad ang banig at
unan. May tubig-tabang na naigib si Berto. Pero di pa sya naliligo. Nag-aasin na ang
tubig-dagat sa katawan ni Intoy. Matigas na ang kanyang buhok. Naaamoy ni Intoy
ang sarili na maalat. Nasa gawing pintuan lang sya. Nakaupo at nakaunat ang mga
hita’t binti sa tulay na kawayan. Inaaninag sa liwanag sa malamlam na bumbilya
ang mga sugat ng kamay. Mahapdi. Pero di na kumikirot. Sanay na sya.
Naramdaman nyang lumalangitngit ang tulay na kawayan. Iniluwa ng dilim si Doray.
Nanulay ang bango ng bagong paligong bagong dating. Naka-shorts at t-shirt ito.
Basa pa ang buhok.
Inalig daw halos lahat?
Oo eh. Malas nga. Pati yung kapraso kong pwesto, di pinatawad. May
pinaglalaanan pa sana ako nun.” Sige ang kukot nya sa sugat. “Gusto mong
kumain? May kape dya, pandesal at mantikilya.
Hinawakan ni Doray ang kanyang kamay. Sinuri ang mga sugat. Hinalikan ito.
Inakay sya paloob ng bahay.
A, Doray, kasi…
Hayaan mo na, makakabawi ka rin sa susunod.
Pininid ni Doray ang pinto.