paper on stalking
DESCRIPTION
paper on stalking, analyzing mamarazzi, sayaw ng dalawang kaliwang paa, beerkada comics etc. giving the signs of being stalked, what to do and what not, tips, etc. anything under stalking in the philippine context... mostly contextualizing the film mamarazziTRANSCRIPT
Paniniktik: Ang Naniniktik at ang Tinitiktikan
Sa unang basa sa pamagat ay maaaring ang kaagad na maiisip ay ang salitang-ugat ng
tatlong pangngalang nabanggit, at ito ay ang - tiktik. Kung tutukuyin ang pakahulugan nito sa
ating bokabularyo ay maiuugnay ito sa dalawang bagay. Una ay ang tiktik bilang isang uri ng
aswang sa mitolohiyang Pilipino kung saan ito ay may anyong taong-paniki at kilala sa
katawagang ito dahil sa tunog na nililikha nito na tik-tik-tik tuwing gabi. Sunod naman ay ang
tiktik bilang isa sa mga kilalang tabloid sa ating bansa na naglalathala ng mga istoryang ukol sa
mga pagtatalik. Maaari rin namang pumasok sa isipan ang mga katagang, “Boss, natiktikan na
namin ang hideout ng mga sindikato,” o iba pang katulad nito, na madalas banggitin sa mga
Pinoy action movies noong dekada ’80 o ’90. Sa mga nabanggit na iba-ibang kahulugan ng tiktik
ay mahihinuha ang ilang mga magkakatulad na taglay nitong katangian: ang diwa ng pagiging
masugid na tagapagmanman nang hindi nalalaman ng minamanmanan.
Papasok ngayon ang tawag sa ganoong uri ng gawain, at ito ay ang paniniknik, o mas
pamilyar sa tawag na stalking. Sa kasalukuyan, masasabing hindi pa hinog ang lagay ng ating
estado ukol sa usapin ng stalking sa kadahilanang hindi pa naisasabatas ang napakaraming
proposed senate bills na naglalaman ng Anti-Stalking Laws kung saan binibigyang depinisyon
ang stalking bilang isang krimen at kasama na rin ang karampatang multa o parusa na ipapataw
sa sinumang mapapatunayang stalker. Hindi pa rin nabibigyang pansin ang konsepsiyon ng mga
Pilipino sa stalking sa pang-akademyang pananaliksik dito sa ating bansa kaya naman naging
mahirap ang pagbubuo, paglilimita at pagsasaayos ng mga nakalap na datos. Ang mga pag-aaral
na ito ang siyang gagamitin bilang batayan ng paghihimay na gagawin sa mga pelikula at Pinoy
komiks na nagpamalas ng gawaing stalking, pahapyaw man o sa malaking kabuuan.
Sa mga naging internasyonal na pag-aaral, inilarawan ang stalking bilang isang
konstelasyon ng pag-uugali na kinasasangkutan ng paulit-ulit at patuloy na pagtatangka upang
igiit sa isa pang tao ang hindi naman kagustuhang komunikasyon at/o relasyon (Mullen et al.
1999, p.1244). Kapag ang isang tao ay nagsasanhi ng isang antas ng takot o pangamba sa
pamamagitan ng pag-uugali na kung saan sa paimbabaw ay inosente, ngunit sa kontekstong
pananaw ay maipapalagay na isang makabuluhang banta, ito ay matatawag ding stalking (Goode
1995, p. 24). Sa madaling sabi, ang stalking ay walang humpay at kahina-hinalang pagsunod at
panliligalig ng ibang tao na nagbibigay banta sa kanyang kaligtasan (Meloy at Gothard 1995, p.
258).
Laon pa, ang salitang “stalk” ay matagal nang ang pakahulugan ay pagsunod-sunod at
paglalakad ng palihim. Sa bandang dulo ng 1980, iniugnay ng media ang stalking at stalker
upang ilarawan ang isang grupo ng mga indibidwal na patuloy na sumusunod at nanghihimasok
sa ibang tao. Bandang 1981 lamang nang ang stalking bilang isang krimen ay nabigyang pansin,
pero sa kabila nito ay hindi pa rin naitatag ang malinaw na linya sa pagitan ng stalking at
katanggap-tanggap na pag-uugali (o hindi stalking bilang krimen). Ito ay dahil sa kasabay na
pag-unlad ng teknolohiya na naging parte na ng pangaraw-araw na pamumuhay tulad ng
pagtawag sa telepono at paggamit ng internet (Violence Against Women Grants Office, 1989).
Batay sa pag-aaral na isinagawa nina Scwartz-Watts at Morgan ng American Academy of
Psychology Law, napag-alaman nila na ang stalking ay mas laganap kaysa sa inaakala ng
nakararami: 8% ng mga babaeng Amerikano at 2% na lalaki naman ang nakaranas ng ma-stalk.
Ito ay kumakatawan sa 1.4 milyon na Amerikanong biktima ng stalking taon-taon. Ang
karamihan sa mga stalkers ay naging karelasyon ng biktima, subalit malaking bilang din nito ay
hindi kailanman nakilala ng personal ang kanilang biktima, o mga acquaintance lang - mga
kapitbahay, kaibigan o katrabaho. Maaaring hatiin sa tatlong dominanteng kategorya ang mga uri
ng stalker: intimate partner stalkers, delusional stalkers at vengeful stalkers.
Kilala ang intimate partner stalkers bilang mga tao na hindi maka-let go o hindi maka-
move on at pilit na itinatanggi na natapos na ang kanilang relasyon. Madalas ay kinakaawaan sila
ng ibang tao, maging ng kanilang dating karelasyon (biktima). Ngunit hindi dapat sila magpakita
ng awa. Ayon sa mga pag-aaral, madalas na ang mga stalker na ito ay hindi naman kahabag-
habag o mga malulungkot na tao na sadyang labis lamang magmahal, dahil sa katunayan ay sila
ang mga mapang-abuso sa emosyonal na aspeto at nais nila na sila lagi ang nasusunod sa
kanilang relasyon.
Ang delusional stalkers naman ay bihira lang makipag-ugnay, kung mayroon man, sa
kanilang mga biktima. Sila ay maaaring mayroong pangunahing sakit sa pag-iisip tulad ng
schizophrenia, manic-depression or erotomania. Ang mga stalkers na ito ay may maling
paniniwala. Iniisip nilang iniibig sila ng biktima at mayroon silang romantikong relasyon, kahit
na kung tutuusin ay hindi pa sila nagkakakilala. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang babaeng
nang-stalk kay David Letterman, ang stalker na pumatay kay Rebecca Schaeffer at ang lalaki na
nag-stalk kay Madonna.
Ang huling kategorya ng stalker ay hindi sawi sa pag-ibig. Sila ang stalkers na ibig
maghiganti. Galit ang mga stalkers na ito sa kanilang mga biktima dahil sa maliit na bagay, totoo
man o imahinasyon lamang. Ang mga politiko, halimbawa, ay madalas magkaroon ng ganitong
klase ng stalker dahil sa mga batas o programa na kanilang ipinapatupad o mga anumalya na
kanilang kinasasangkutan. Ilan sa mga mapaghiganti o vengeful stalkers ay mga psychopaths,
Ang ilan ay delusional, madalas paranoid, at naniniwala na sila, sa katunayan, ang biktima.
Nangii-stalk sila upang makaganti, may kasalanan man o wala ang biktima.
Isa nga sa manipestasyon ng pagsasawalang-bahala ng ating bansa sa banta ng stalking ay
ang kawalan natin ng batas laban dito. Masasabi rin na dadalawa ang maaaring dahilan nito:
hindi ganap at mababaw ang kamalayan ng mga Pilipino sa usaping stalking, o sadyang malaki
ang epekto ng ating kultura sa persepsiyon natin ng stalking.
Makikita ang anggulong ito ng ikalawang hinuha sa pampamilya at komedyang pelikula
ng Regal Films noong 2010 na Mamarazzi. Malinaw naman na ang salitang ito ay patudyong
salita (pun) sa mas matandang salita na paparazzi, 1960 unang nabuo o nagamit, na tumutukoy
sa mga tao, madalas ay photographers o photojournalists o may ugnayan sa showbiz media, na
nangii-stalk ng mga celebrity, minamanmanan ang kanilang bawat galaw. Gaya nga ng
ipinahihiwatig ng salitang mamarazzi, ang pelikula ay kuwento ng isang ina na patuloy at labis
na nanghihimasok sa buhay ng kanyang triplets na anak kahit na sila’y nasa hustong gulang na.
Sa balangkas pa lang ng pelikula ay kakikitaan na ang pagtaliwas nito sa mito na ang mga
lalaki lamang ang nangii-stalk, subalit kokontrahin ito ng dominanteng depinisyon ng stalking
(isang depinisyon na resulta ng paggamit sa biolohikal na kalakasan ng mga lalaki kumpara sa
mga babae at bise bersa, at pagtingin sa biolohika ng mga babae bilang problema ayon sa radical
feminism), at lalabas na datapuwat ang talagang kahulugan ng pamagat ng pelikula na ang ina ay
isang stalker, nawawala ang bantang iginigiit nito sa kanyang mga inii-stalk o biktima (mga
anak) sapagkat natatabunan ito ng close family ties na katangian ng pamilyang Pilipino at ng
katawa-tawang atmospera ng kuwento.
Upang higit na maunawaan ang pelikula, narito ang maikling pagpapakilala ng mga
tauhan: Labinlimang taon na ang nakararaan, napag-alaman ni Violy Langit (Eugene Domingo),
isang may-ari ng funeral parlor, na dahil sa kanyang kondisyon ay nangangailangan siyang
sumailalim ng hysterectomy. Napagdesisyunan niyang magkaroon muna ng anak bago magpa-
opera. Ngunit wala siyang lalaki sa buhay - walang asawa, walang kasintahan, walang
manliligaw. Sumangguni siya sa kanyang matalik na kaibigan na si Mandy (John Lapus). Dahil
sa awa at pagmamahal kay Violy, pinahintulutan ni Mandy na “hiramin” niya ang kanyang
boyfriend na si Carlo (Diether Ocampo). Ngunit matapos ng misteryosong gabi na iyon ay
nawalang parang bula si Carlo. Pinagpala si Violy ng triplets - dawalang babae, Peachy and
Strawberry (Andi Eigenmann, kambal na papel) at isang lalaki na si Dingdong (AJ Perez).
Hindi man matagumpay na na-construct ng pelikula ang larawan ni Violy bilang isang
mamarazzi, sa diwa ng stalking ayon sa mga nabanggit na depinisyon nina Mullen at iba pa sa
mga naunang talata (dahil hindi naman talaga iyon ang tema ng pelikula), makikita sa progreso
ng kuwento ang mga kadahilanang nagtutulak kay Violy upang maging isang stalker ng mga
anak, at bilang epekto, hindi man ito banta sa triplets, ay iba-iba ang naging pagtanggap nila dito.
Sa kaso ni Strawberry, ilang beses na ipinakita ang paglahok niya sa contest na figure
skating, subalit madalas naman siyang magkamali o madapa tuwing nagpe-perform. At
naturalmente, sa bawat laban niya ay naroroon ang kanyang inang si Violy at ang bestfriend
nitong si Mandy. Ipinakita sa flashbacks o pagbabalik-tanaw ni Violy na ang figure skating ay
pangarap noon pa man ng kayang ina, na ipinasa sa kanya, at ngayon nga ay si Strawberry ang
pilit na nagsasakatuparan nito. Sa isa nga sa mga laban ni Strawberry, sa kanyang muling
pagkadapa, ay nagkaroon ng musical number si Violy sa kanyang imahinasyon. Narito ang
adaptasyon nila sa sikat na awitin ni Lady Gaga na Paparazzi, pinalitan ang letra ngunit parehas
na tono, dito ay makikita na pilit at literal na ipinaparating at ipinapaalala (kung nakalimutan na
o hindi naitatak sa isipan) sa mga tagapanuod ang katangian ni Violy bilang isang mamarazzi,
dahil iyon ang dapat na makita sa kanya, dahil ito lang ang maaaring distinksiyon niya sa ibang
pelikula na may kaparehong tema na isang “makulit” na ina - ang katawagang mamarazzi:
Violy: Ako ay madir, dadaig sa big dadir. Alam ang kilos niyo sa lupa man o yelo.
Susunod pa rin. Kayo ay hahabulin.| Strawberry: Lagi siyang nangingialam. Sa bawat galaw,
parang aninong ligaw. Para siyang nananakal.| Violy: Baby ako, ako ang mama ninyo.
Nangungulit sa inyo lagi. Mama-mamarazzi. Masanay na kayo. Kahit ako’y nakakalurkey,
mama-mamarazzi.| Dingdong: Sino bang hindi maiinis. Para kang duming hindi maalis.| Violy:
Sorry but no choice. Nasa likod ako palagi.| Mandy: Talak nang talak. Nakakabingi. Mama-
mamarazzi.| All: Nangungulit sa inyo palagi. Mama-mamarazzi.
Sa awiting iyan ay mahihinuha na ang reaksyon ng kanyang mga anak sa kanya.
Kinalaunan ng pelikula ay magtatapat si Strawberry na hindi niya talaga hilig ang figure skating,
na siya ay napipilitan lamang dala ng pressure na ibinibigay ng ina, dala ng palagiang
pagpupursige at pagbuntot ng kanyang ina sa kanya. Sa puntong ito ay maaaring masabi na si
Violy ay naging isang delusional stalker ng kanyang anak na si Strawberry. Hindi man sa aspeto
ng romantikong relasyon ay masasabi pa ring maikakategorya ito sa delusional dahil buong akala
ni Violy ay natutuwa si Strawberry, nagkaroon siya ng paniniwala na parehas sila ng nadarama
ng anak ukol sa figure skating. Hindi magawang masabi ni Strawberry ang kanyang kalagayan
dahil baka malungkot ang ina, ngunit kung tutuusin ay isa ito sa mga dahilan kaya’t patuloy na
iginigiit ni Violy ang kanyang naisin, sapagkat mayroon siyang maling akala, na dapat ay
tuluyang maitama upang mabigyang kalayaan si Strawberry. At dahil na nga komedya ang tema,
maluwag naman itong tatanggapin ni Violy. Bunga nito, natigil na ang pagsali ni Strawberry sa
mga paligsahan sa figure skating.
Sa kabilang banda, pilit naman na ipapasok ang tema ng stalking sa kaso ni Peachy.
Ngunit sa halip na ang ina niyang si Violy ang nangii-stalk sa kanya, siya ay ginawang ‘habulin’
ng mga lalaki sa kanilang campus. Isa sa mga ipinakitang tipikal na depinisyon ng stalking ay
ang pagkakaroon ni Peachy ng walang tigil sa kate-text na manliligaw. At dahil hindi niya ito
type, at kahit anong dedma niya ay hindi pa rin ito tumitigil, at naiirita na siya sa kakulitan nito
ay pinagpanggap niya si Strawberry na siya ito sa meet-up ng dalawa sa isang restaurant.
Masasabing pagpapabaya at delikado ang ginawang aksiyong ito ni Peachy dahil paano na
lamang kung ang lalaki pa lang iyon ay isa ring delusional stalker. Maraming maaaring mangyari
sa personal na komprontasyong iyon dahil ang isang stalker na matagal nang dinidedma ay
posibleng maging isang vengeful stalker, isang obsessed, isang psycho o dili kaya’y paranoid.
Ngunit ang mga bantang ito ng tagpong iyon ay natabunan ng pampamilya at komedyang tema
ng pelikula kaya’t malaki ang potensiyal na isang mahalagang factor ito ng butas sa pelikulang
ito. Na dahil nga sa kagustuhang kumita ang pelikula ay tinatakpan ang mga ideolohiyang
maaaring makahadlang sa pagkita, bagkus ay ipinapakita lamang ang siyang pabor sa
kapitalistang takbo ng industriya ng pelikula.
Samantalang ang sumunod naman na stalker ni Peachy ay pininturahan na rin ng
ideology of romantic love dahil sa pagkakataong ito ay ‘nakapasa’ sa kanyang set of standards
ang kanyang stalker na si Louie. Si Peachy kasi ay isang genius, lalo na sa Science, at nang
sundan siya ni Louie habang pauwi ay didedmahin niya sana ito. Nagkaroon lamang sila ng
palitan ng salita nang sabihin ni Peachy na hindi siya naniniwala sa pag-ibig sapagkat ito ay
interaksiyon lamang ng mga hormones. Nagawa itong palawigin ni Louie sa konsepto ng
Science, nagpapatunay na isa rin siyang maalam na tao. Nagulat si Peachy ngunit isa itong gulat
ng pagkatuwa at simbolikong pag-apruba sa kanya mula sa lebel ng stalker na tagasunod lamang,
papunta sa lebel ng kaibigan, at siyempre, ng ka-ibigan. Pinatutunayan ito ng kanilang eksena na
magkausap sa telepono at nagpapalitan ng mga mahihirap na tanong, na nagagawa naman nilang
sagutin pareho. Sa huli, naisantabi na namang muli ang banta ng stalker sa inii-stalk.
Kung ang dalawang anak na babae ni Violy ay nakaranas na mai-stalk, ang kanyang anak
na lalaki na si Dingdong ay siya namang stalker. Ang kanyang taktika ay ang pagpapa-tutor ng
Chemistry sa kanyang minamahal na si Mimi (Carla Abellana), pamangkin ni Mandy, na noo’y
may boyfriend na. Bukod rito, batid at tanggap din nina Violy na madalas umaligid-ligid si
Dingdong sa bahay nina Mimi. Sinusuportahan pa ito ni Violy at komento niya nga sa anak ay
kung nais ba nito na hanapan siya ng matutulayan sa tapat ng bahay nina Mimi para 24 oras
siyang makapagmasid. Madalas din na dinadaan ni Dingdong sa pagbibigay ng bulaklak kay
Mimi ang kanyang panliligaw kahit pa nga may kasintahan na ito. Kaya naman nang
maghiwalay si Mimi at ang kanyang boyfriend ay tinambangan si Dingdong ng huli, na nauwi sa
pagkakabaril kay Carlo na noo’y nakakita at umawat sa pambubugbog. Sa ikalawang
pagkakataon ay nanaig na naman ang ideology of romantic love (kung saan ang pag-ibig ay may
happy ending) ang takbo ng kuwento at natabunan ang pagiging stalker ni Dingdong kay Mimi.
Nagtapon pa ng ibang kaso ng pangii-stalk ang pelikula. Ito ay sa anak na lalaki naman ni
Mandy. Isa talagang bakla si Mandy ngunit dahil sa pagiging lasing ay may nangyari sa kanila
ng hindi niya kilalang babae sa bar. Nalaman lamang niya na nagbunga ang gabing iyon nang
bigla na lamang sumulpot si Glen (Arron Villaflor) sa kanyang bahay at sinabing matagal na
siyang ipinapa-stalk ng kanyang ina, na namatay noong nakaraang buwan lamang. Dagdag pa
rito, dahil sa obserbasyon ni Mandy na tila bakla si Glen dahil sa kanyang pagkilos at pagre-
review umano, kasama sa kanyang kuwarto ang isang kapwa lalaki na si Oscar (Xian Lim), sa
loob ng tatlong araw. Nagsagawa siya ng pangii-stalk rito. Pinakialaman niya ang mga gamit nito
at nakumpirma nga ang kanyang hinala. Ngunit hindi niya ito matanggap. Siya ay nasa state of
denial. Nang maglantad naman si Glen sa gay contest ng kanilang barangay ay nagwalk-out si
Mandy. Sa huli ay natanggap na rin niya ito.
Ang eksena naman sa barangay hall ni Mandy, barangay captain siya sa kanila, kung saan
ay ipinakita ang nais na pakikipaghiwalay ng babae sa kanyang mister matapos makita sa
Facebook na may kahalikan itong babae ay isa lamang tangka ng pelikula na ipasok ang usaping
stalking, sa diwa ng stalking bilang natural na kakayahan at gawain ng mga taong may access sa
internet. Tila ibinababa ang stalking sa lebel ng public viewing, samakatuwid muling
nagkakaroon ng ulap ang depinisyon nito sa estado ng teknolohiya ngayon. Nababawasan ang
dating nito bilang isang invasion of privacy o tagapagbigay ng resonableng banta at takot sa
taong biktima nito.
Sa kabuuan, ang pelikulang Mamarazzi ay nagbibigay ng mapanlinlang na mito o false
ideology sa mga tagapanuod ukol sa usaping stalking bilang isang natural na gawain sa
kasalukuyang panahon, kung saan ay within reach ang internet, at stalking bilang guiltless na
gawain lalo na kung ito ay ginagawa lamang sa kapwa miyembro ng pamilya o malalapit na
kakilala. Mas isinasaalang-alang ang relasyon ng pamilya at pagkakaibigan kaysa sa bantang
dulot ng stalking. Hindi na baling lumagpas sa linya ng private sphere at public sphere, huwag
lang masira ang iniingatang relasyon.
Magiging palaisipan din sa pelikulang ito ang rationality ng aksyion ng mga karakter.
Ayon sa liberal feminism, para masabing isa kang rational na tao ay kailangang pasok ka sa
tatlong batayan: una, kailangan alam mo ang tama sa mali, mali sa tama, tama at mali; ikalawa,
kailangang gamitin mo ang tamang pamamaraan para makamit ang nais mong resulta o mithiin;
at ikatlo, kailangang pasok ka sa moral at etikong batayan ng iyong ginagalawan. Dahil malinaw
naman na sa ng kagustuhan ng pelikula na maging isa itong takilyang pampamilya,
naovershadow ang rationality ng mga kilos ng karakter. Positibo na rin siguro itong maituturing
sapagkat magagamit pa itong dahilan upang pang-depensa kung bakit masasabing mababaw ang
mensahe ng pelikula ukol sa stalking, dahil nga mas prioridad nito ang takilya kaysa sa
nilalaman. Ginagamit pa ang irratioanality na ito upang siyang dahilan ng stalking, dahil kulang
sa pagiging rasyonal ang mga karakter, kaya’t hindi nakikita bilang banta ang stalking.
Maging sa Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa man na idinirekta ni Alvin Yapan ay
nagpakita ng elemento ng stalking. Nag-umpisa ang pelikula sa pangii-stalk ni Marlon (Paulo
Avelino) sa kanyang propesor sa Literatura na si Karen (Jean Garcia) sa kadahilanang
nahihirapan siya sa klase nito. Dahil sa kanyang pangii-stalk ay napag-alaman niyang isang
dance instructor si Karen tuwing gabi sa isang dance studio. Para mapabilib ang kanyang
propesor ay naisip niyang pag-aralan kung paano gawing parang tula ang kanyang mga paggalaw
ng katawan at siya’y nagpatala sa dance class ni Karen. Sa kasong ito ng stalking, malinaw ang
naging motibo ng stalker, ngunit ipinakita ng pelikula na hindi isang banta sa kapakanan ni
Karen ang ginawang pangii-stalk sa kanya ng kanyang estudyante, kaya muli, hindi itinuring na
krimen ang ginawang pag-stalk ni Marlon.
Hindi lamang sa pelikula makakakita ng insidente ng stalking, ng mga stalkers at mga
inii-stalk, maging sa komiks ay mayroon din. Isa na rito ay ang sikat na komik strip na lumalabas
sa Philippine Star noon pa mang 1998, ang Beerkada na likha ni Lyndon Gregorio. Ito ay
umiiikot sa buhay ng isang grupo ng magkakakaibigan tungo sa kanilang pag-survive sa college
at post-college life. Ang isa sa mga pangunahing tauhan nito ang hari ng katorpehan na si Glen
dela Costa, na tila na-master na ang pagtakbo palayo sa mga babae sa panibagong lebel. Mula sa
pangii-stalk hanggang sa pang-aamoy ng mga damit panloob ng mga babae, lahat ng ‘yan ay
nagawa na niya. Pero sa kabila ng lahat ng ito, siya ay habulin pa rin ng mga babae. Sa
kasalukuyan ay may kasintahan na si Glen, pero hindi ibig sabihin niyon ay hindi na siya torpe.
Ito ay dahil si Andrea, ang kanyang girlfriend, ang siyang nang-stalk sa kanya, nagpursige, at
nagpumilit na “isumite ni Glen ang kanyang sarili.”
Ang larawan ni Glen ay isang tipikal na Pilipinong lalaki, ngunit ang kapansin-pansin pa
sa kanya ay ang kanyang buhok na hugis phallus. Maiuugnay dito ang phallic symbol ayon kay
Sigmund Freud na sumisimbolo sa pagiging dominante ng kalalakihan. Muli, ang banta ng
stalking, higit na sa komiks na ito na nagpapakita ng mas malalang uri ng pangii-stalk kumpara
sa Mamarazzi, ay natatabunan ng komikal na pagsasalarawan ng mga kilos ng mga tauhan.
Ang mga ilan sa kilalang awitin ay kakikitaan din ng karakter ng pagiging isang stalker.
Ilan sa mga ito ay ang Narda ng Kamikazee na may lirikong: . . . Awit na nananawagan, baka
sakaling napakikinggan| Pag ibig na palaisipan sa kanta na lang idaraan| Nag aabang sa langit, sa
mga ulap sumisilip| Sa likod ng mga tala, kahit sulyap lang darna . . .; at Lagi Mo Na Lang
Akong Dinidedma ng Rocksteddy: Matagal ko ng gustong malaman mo| Matagal ko ng itinatago-
tago 'to| Nahihiyang magsalita|At umuurong aking dila|Pwede bang bukas na|Ipagpaliban muna
natin 'to|Dahil kumukuha lang ng tiyempo|Upang sabihin sa iyo|Mahal kita, pero 'di mo lang
alam|Mahal kita, pero 'di mo lang ramdam|Mahal kita, kahit 'di mo na ako tinitignan|Mahal kita,
kahit 'di mo lang alam . . .|
Samantala, nabanggit naman ni Jessica Zafra, sikat na manunulat ng Twisted series at
The Flip Reader, ang quotes na ito na laganap sa internet - “The awareness that two people are
soulmates should be bilateral. If only one person believes it, it’s called stalking.”
Sa pagtalakay sa usaping stalking, nasasaklawan din nito ang usaping voyeurism o
pamboboso sa wikang Filipino. Ito ay ang sekswal na interes o hilig sa pamboboso sa mga taong
nagsasagawa ng sekswal na aktibidad, ng undressing o iba pang pagkilos na karaniwang
itinuturing na isang pribadong gawain.
Ang pinakanatatanging katangian ng vouyerism ay hindi naman direktang kaano-ano ng
voyeur sa taong kanyang pinagkakainteresan, na kadalasan ay walang kamalayan sa
nangyayaring pamboboso sa kanya. Ang vouyerism ay maaaring pagkuha ng isang lihim na
litrato o video ng biktima habang ito ay nagsasagaw ng isang intimatong aktibidad. Kapag ang
interes sa isang partikular na tao ay laging sumasagi sa alaala, ang pag-uugali ay maaaring
ilarawan bilang stalking.
Ang vouyer ay maaaring mamboso sa ibang tao mula sa isang distansya, o gumamit ng
peep-holes, two-way mirrors, hidden cameras, at iba pang device at paraan. Wala pang
sayantipikong pag-aaral ukol sa dahilan ng vouyerism. Pero ang paulit-ulit na paggawa ng
gawaing ito ay maaaring maging isang mental na sakit at kinakailangan ng medikal na atensyon.
Gayunpaman, sa kasalukuyan ay nag-iba ang konsepto ng vouyerism, lalo na sa popular
na kultura. Ang reality t.v. program na Survivor ay isang halimbawa ng voyeurism, kung saan
ang mga manonood (ang vouyer) ay nabibigyan ng intimate na pakikipag-ugnayan sa mga
kalahok ng programa. Kahit na hindi naman ito talagang pamboboso gaya ng orihinal na
depinisyon ng vouyerism, dahil may kamalayan ang mga kalahok na sila’y pinapanood, ang
konsepto sa likod ng “reality t.v.” ay upang magkaroon ng hindi scripted na sosyal na
interaksyon pero limitado ang ugnayan sa labas. Dahil dito, ito ay nagkakaroon ng sekswal na
konotasyon. Ang Japanese anime na Baka to Test Shokanju ay tungkol din sa vouyerism kaya’t
ang katawagan sa bidang si Kota Tsuchiya ay “Vouyer.”
Sa pagtatapos ng papel na ito, narito ang buod na maaaring makatulong ukol sa usapin ng
stalking, lalo na at isinasawalang-bahala ito ng nakararami. Una, kung ikaw ay inii-stalk,
maaaring makaramdam ka ng: takot, sa kung anong maaaring gawin ng stalker; panghihina,
kawalang kaligtasan at kawaalang katikayan kung sino ang mapagkakatiwalaan; ng pagkabalisa,
pagiging magalitin, kawalan ng tiyaga o magugulatin; maaaring makaramdam ka rin ng
depresyon, kawalang pag-asa, problema sa pagtulog o pagtanda ng mga bagay-bagay; maaari
ring mawalan ka ng gana sa pagkain, makalimutan ang pagkain o sobra sa pagkain; possible ring
magkaroon ka ng flashbacks, nakagagambalang saloobin o damdamin; at pakiramdam mo ikaw
ay nalilito, bigo o ihiwalay mo ang iyong sarili sa ibang tao dahil hindi nila maunawaan kung
bakit ika’y natatakot.
Kung ang isang kakilala mo naman ay biktima ng stalking, maaari kang makatulong:
Makinig. Ipakita ng suporta. Huwag sisihin ang biktima para sa krimen. Tandaan na ang bawat
sitwasyon ay naiiba, at hayaan ang biktima na magdesisyon kung paano haharapin ang problema.
Maghanap din ng ibang tao na maaari mong kausapin ukol sa sitwasyon.
Narito naman ang ilan sa mga bagay na ginagawa ng mga stalker: paulit-ulit na tumawag
sa iyo, kabilang ang hang-ups; lagi kang sinusundan at sumusulpot nasaan ka man; nagpapadala
ng napakaraming regalo, sulat, text o e-mail; pininsala ang iyong bahay, kotse o iba pang ari-
arian; sinusubaybayan ang iyong mga tawag sa telepono o paggamit ng computer; gumagamit ng
mga device tulad ng hidden camera, global positioning system (GPS), para matukoy kung nasaan
ka; nagbabanta na sasaktan ka, o ang iyong pamilya at kaibigan; aalamin ang lahat tungkol sa iyo
gamit ang pampublikong talaan o internet, pagkuha ng investigators, o pakikipag-ugnayan sa
iyong mga kamag-anak, kaibigan o katrabaho; at iba pang mga gawain na nagdudulot sa iyo ng
takot at inaalam ang iyong kinalalagyan.
Tandaan lamang na ang stalking ay hindi predictable at mapanganib. Walang stalking na
magkatulad. Walang garantiya na kung ano ang solusyon ng isa ay gagana sa iba, pero may
magagawa ka. Ang mga sumusunod naman ay ang maaari mong gawin laban sa stalking: Kung
ikaw ay nasa agarang panganib, tumawag sa pulisya; pagkatiwalaan ang iyong instincts; huwag
maliitin ang panganib, kung pakiramdam mo ay hindi ka ligtas, maaaring tama ka nga;
seryosohin ang mga banta; mas mataas ang panganib kapag binabanggit ng stalker ang usaping
murder o suicide o di kaya nama’y sinusubukang tapusin ng biktima ang relayon nito sa stalker;
makipag-ugnayan sa mga crisis hotline, sa victim services agency, o sa mga domestic violence o
rape crisis program, maaari silang makatulong sa iyo upang makabuo ng plano para sa iyong
kaligtasan, makapagbigay sa iyo ng impormasyon ukol sa mga batas laban dito; timbangin ang
pagpipilian tulad ng paghahanap ng protection order; baguhin ang mga nakagawian, magsaayos
ng matutuluyang lugar at magpasama sa iyong mga kamag-anak o kaibigan sa tuwina;
pagplanuhan ang gagawin kung sakaling magpakita ang stalker, sabihin sa mga kakilala kung
paano ka nila matutulungan; huwag makipag-ugnayan sa stalker o tumugon sa tangka nitong
pakikipag-komunika; itago ang mga katibayan ng stalking; isulat ang oras, lugar at petsa ng mga
pag-kontak sa iyo ng stalker; kuhanan ng larawan ang alinmang sinira o pininsala ng stalker;
pakiusapan ang mga testigo na itala ang anumang nakita nila; kumuha ng court order laban sa
stalker; ipagbigay sa pamilya at kaibigan at sa security staff ng inyon lugar o pinagta-trabahuan o
pinapasukan ang tungkol sa iyong nararanasan sapagkat makatutulong sila para sa iyong
kaligtasan.
Narito naman ang ilan sa mga mito at ang realidad ng stalking:
Ang mga celebrity lang ang naii-stalk. Sa Estados Unidos, 1.4 katao ang biktima ng
stalking kada taon. Madalas nga tayong makarinig ng kaso ng celebrity stalking sa media subalit
malaking porsiyento pa rin ng biktima ay mga ordinaryong mamamayan.
Kapag hindi mo pinansin ang stalking, mawawala rin ito. Bihira lang na biglang titigil na
lang ang mga stalker. Sa katunayan, mas lalong nagiging bayolente ang mga stalker habang
tumatagal ang pangii-stalk. Dapat ay humingi kaagad ng tulong ang mga biktima upang agad
itong maapula.
Nakakatakot ang stalking pero hindi naman delikado. Nakakatakot ang stalking at
delikado. Tatlo sa bawat apat na babae na pinapatay ng karelasyon ay mga biktima muna ng
stalking bago ang krimen.
Nakakairita ang stalking pero hindi naman ito illegal. Sa ibang bansa ay may batas na
laban dito, pero sa atin ay hindi pa naaaprubahan. Subalit maaari pa rin naman itong i-report sa
pulisya upang matakot ang stalker.
Hindi ka posibleng i-stalk ng dini-date mo. Kung minamanmanan ng siyota mo lahat ng
galaw mo at lahat-lahat tungkol sa iyo, stalking na iyan.
Kung kukomprantahin mo ang stalker ay titigil na ito. Maaaring may malalang
deperenisya sa pag-iisip ang iyong stalker kaya’t huwag maging kampante, delikado ito.
Bilang konklusyon, isang malaking banta sa kaligtasan ng isang tao o ng biktima ang
stalking, lalo na sa ibang bansa gaya ng Australia at USA. Subalit dito sa atin ay natatabunan ang
bangis nito dahil sa naiibang uri ng pamumuhay at kultura sa ating bansa. Gayunpaman, nakikita
na oras na talaga na bigyang pansin ito sa pangakademyang pananaliksik at tugunan ng
pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng naaayon na batas at karampatang parusa. Ang
pagbibigay-edukasyon din sa nakararami ay malaking tulong upang hindi ito maging mabigat na
problema ng bansa.
Sanggunian:
Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa. 2011. Alvin Yapan.
Goode, M. 1995, “Stalking: Crime of the Nineties?” Criminal Law Journal, vol. 19, pp. 21–31.
Laughren, J. 2000, “Cyberstalking Awareness and Education”.
<http://www.acs.ucalgary.ca/~dabrent/380/webproj/jessica.html>
Mamarazzi. 2010. Regal Films.
Meloy, J. and Gothard, S. 1995, “A Demographic and Clinical Comparison of Obsessional
Followers and Offenders with Mental Disorders”, American Journal of Psychiatry, vol.
152, pp. 258–63.
Mullen, P., Pathé, M., Purcell, R. and Stuart, G. 1999, “Study of Stalkers”, American Journal of
Psychiatry, vol. 156, no. 8, pp. 1244–249.
Tjaden, P. 1997, “The Crime of Stalking: How Big is the Problem?”, National Institute of
Justice: Research Preview, Office of Justice Programs, United States Department of
Justice.