SANDAMAKMAK
Ronel I. Osias
Mga Tula
Sandamakmak...
Sandamakmak...
Sandamakmak...
Sandamakmak...
RONEL I. OSIAS
Sandamakmak ni Ronel I. Osias
Karapatang-ari © 2020 ng awtor. Reserbado ang lahat ng karapatan. Alinmang bahagi ng zine
na ito ay orihinal at hindi maaaring ilathala sa anomang
kaparaanan ng walang pahintulot ng may-akda.
Disenyo, guhit at mga akda ni Ronel I. Osias
Para sa mga puna at mungkahi, ipadala sa e-mail na nasa ibaba:
BOTE
Mauubusan ka rin. Mauuhaw.
Masisimot ang kaloob-looban. Papanaw.
Magiging alaala pagdating ng araw.
Nababasag. Nadudurog.
Sumasapi sa alikabok.
Kamatayan ang kawalan.
Isasalansan.
Ilalagak sa basyo. Iiyakan.
NICOTINE
Manatili ka
sa pagitan ng labi;
Ng tao at ng sigarilyo.
Hayaan mong kumapit
ang iyong sarili
sa dalawang bagay
na unti-unting naglalaho.
Mag-iwan ka ng bakas,
palatandaang minsan kang pumarito,
at titulong magpapatotoong pagmamay-ari mo
ang mga abo
ng sigarilyo
at ng tao.
BILANG MAGSASAKA
Lahat ay dumaraan sa iyong palad.
Alam nito ang hapis ng binhi‟t lupa,
Ang kuwento ng pagkabuhay at pagbagsak
Ng „yong katawang hapo sa pagtatatak
Sa likod at dulong bahagi ng bansa;
Lahat ay dumaraan sa iyong palad.
Matapos buhayin ang sining sa lapad
Ng balat, nagpresentang bayad ang bala;
Ang k‟wento ng pagkabuhay at pagbagsak.
Butas ang dibdib, hingalo‟t walang lakas,
Ladlad ang dila, agos ng dugo‟t luha.
Lahat ay dumaraan sa iyong palad
Puwera lamang sa tama‟t sapat na bayad
Bilang magsasaka. Tamang magsasaka
Ang k‟wento ng pagkabuhay at pagbagsak,
Ika‟y kamatayan at tagapagligtas
Dahil ikaw mismo ang puso ng bansa.
Lahat ay dumaraan sa iyong palad,
Ang k‟wento ng pagkabuhay at pagbagsak.
BAKA, KASI…
A, baka…
Labis-labis ang pagkayod,
„Di tama ang pasahod,
Mangingisdang walang dagat,
Magsasakang walang laman ang hapag.
O baka…
Ahenteng inabuso ng kontrata,
Siguro ng NutriAsia? Siguradong
May dugo ang botilya.
A, baka…
„Yong hindi pinalabas nang umuga
Ang lupa—“Wala muna pong lalabas,
hinihintay pa ang utos ng nasa
itaas…”
SM „to „di ba? SaMa, a!
Hitik ang pagtataka
Kapag walang hustisya.
Mga kamao‟y nakasara,
Tumitindig sa kalsada.
Ito ang kan‟yang pahinga.
“Ano ba „yan mga tamad! Puro rally!”
Baka, kasi…
Hindi ka pa naging biktima.
Huwag na sana.
Sa tuwing bumubuhos ang iniipon,
Lalong lumulubog ang sumasalo.
Nagiging malayo ang dating malapit.
Nagiging tanaw ang dating titig.
Bakit natin sinusukat ang sakit
Ng isa‟t isa para ilihim ang pag-ibig?
Sino tayo para labanan
Ang grabedad ng sangkalupaan?
Anong maipagmamalaki natin
Sa mga dapat na mangyari?
Pareho tayong alipin ng nakatakda.
At gaano na nga ba katagal noong ipilit
Natin ang sarili sa pag-ibig?
ANG BATANG NAKALILIPAD
Ipinapagaspas ng batang lango
Sa Vulcaseal ang kan‟yang murang-diwa
Na nag-anyong pakpak. Kasa-kasama
Ang kan‟yang tagapagbantay na anghel—
Lumilipad silang tila bagong laya
Patungo sa langit.
Maya-maya‟y mawawala ang bisa—
Mala-kometang bubulusok sa daigdig
Ang kan‟yang katawang kakambal ang
grabedad.
Magiging demonyo ang kaninang sugo ng
kaluwalhatian,
Nakangiti itong nakaharap sa kan‟yang
mukha.
Aawit ito ng Oyayi.
Maaantok ang malay, mahihimbing sa gutom.
Sa kan‟yang pagbagsak,
„Di maaalintana ng bubot
Na katawan ang pagkalabog
Sa marungis na aspalto.
“Gagsti „to! Totoo nga! Nando‟n nga ako
kanina, e!”
Walang naniniwalang narating niya
Ang langit kahit na saglit.
Aniya, wala raw roon ang Diyos.
SINAPUPUNAN
Sa tao, siyam na buwan.
Sa daigdig, wala pang nakaaalam
Kung kailan siya magluluwal.
Tayo ang mga sanggol;
Sumisipa, naninipa,
Umiiyak, nagpapaiyak.
Tahanan niya ang kalawakan,
Sansinukob ang amang mahigpit,
Bituin ang inang maningning.
Mababanaag sa kan‟yang balat
Ang mga lukso-luksong bitak,
Mga sanga-sangang ugat ng dagat.
Tayo ang kan‟yang mga sanggol,
Tayo rin ang kan‟yang lason.
QUIAPO
Ipinasyal ako ni nanay.
Tumatagos sa balat
Ng aking munting silid
Ang salita ng Diyos sa boses ng isang
pari,
Ang tunog ng banal na tubig
Na sumasamba sa mga nananampalataya,
Ang bulong-bulungan,
Ang maalikabok na bintilador,
Ang „di matapos-tapos
Na girian ng mga busina.
Ipinasyal ako ni nanay,
Iginala ang pandinig,
Ipinaranas ang mabuhay.
Ipinasyal ako ni nanay.
Nang siya‟y nauhaw
Nakiinom sa palengke ng hiwaga,
Kung ano ang mga sumunod na nangyari
Ay hindi ko na maalala.
DAAN
Nagiging anghel daw ang mga sanggol
Na tinitisod ng tadhana. Tahanan daw
Nila ang paraiso, katabi ang Diyos
At mga santo. Namamalagi sa pangako
Na langit. Sa impiyerno raw ay malayo.
Malabo raw na doon magtungo
Ang kululuwa ng kaluluwal,
O mga nasa sinapupunan pa lamang
Noong takasan ng buhay.
Handa na silang magtungo sa dagat
Ng apoy.
Ngunit hindi sa pagiging isang ama‟t ina.
Batid nilang „di na magdurugtong
Ang kanilang mga daan
Sa kabilang buhay, at walang-hanggan.
Matutuyot sa liwanag,
Maaagnas ang dagitab.
Papanaw nang walang sugat,
Puntod ay nasa itaas
PUNDIDO
MAHAL ANG BULAKLAK KAPAG
PEBRERO
Mahal tayo ng kapitalismo,
Kaya may Araw ng mga Puso.
Alanganin ang katorse sa s‟weldo,
Kaya tipirin ang kinita nang Enero.
Napipilitang magmahal,
Ang bulaklak, pati na rin ang tao.
Mahal,
Mahal ang bulaklak kapag Pebrero,
Kaya paumanhin kung hindi maisilid sa uso
Ang pumupuno sa puso.
ANG AKALA
Natural niyang nakasasalubong
Ang dugo buwan-buwan.
Itinakda siyang tanggapin ito
Nang walang pagdadamot sa sakit.
Ngunit kung,
Dadanak ang kan'yang dugo
Nang hindi pa sumasapit ang dalaw—
Magiging babae ang babae,
Magiging mandirigma ang dati ng
mandirigma.
Pagkatapos ay hahangaan ito ng lipunan,
Ang hindi nalalaman ng karamihan,
Karaniwan sa babae,
Ang akala nating „di karaniwan.
? ! ! !
NAWAWALA AT NAGHIHINTAY
Nangalay, at pudpod na sa kaluluhod
Ang iyong tuhod—kadarasal sa lagot
Na buhay ng anak at desparasedos
Mong bana na hinihinalang nadukot.
Ito‟y sa panahong „tinuturing labag
Ang paglabag sa utos ng lumalabag
Sa karapatang-pantao. Ay! Kahabag-
Habag nga! Buong araw ang paghahanap!
Hanggang sa kinuba ang araw at buwan,
Kumunot ang balat ng talaarawan,
Nalagas ang ngipin at mata‟y tumamlay—
„Di pa rin umuwi ang kan‟yang panganay,
At asawang nangakong ipagtatangol
S‟ya, at ang bayang ito laban sa Apo(y).
TAYO NA!
May kalbaryo ang eskinita
Kapag medya-medya
Ang takbuhan. Kanya-kanya,
May lamay sa'n mang banda.
Ito'y pagbabago ng bawat kanto
Kapag tambay, sigurado
Sa hinala ng berdugo.
Dahil sa bawat tulak ng bibig,
May sumasabog na dibdib.
Tayo na sa pagbabago!
Sa kalsada wala ng tao.
Tayo na sa pagbabago!
Pinupuno ang sementeryo!
KILL KILL KILL
PAGTATAPOS
Limang pilas sa kalendaryo
Na galing sa isang bigasan;
Tanggal na ako sa trabaho, at 'di sigurado
Kung kailan ulit makababalik
Sa pagawaan,
At bigasan.
Palaging nasa bingit ng kamatayan,
Kung nakatutok na ang balisong ng
kontrata.
Kontra-gutom kung bakit palaging pumapalag
Ang masa sa gahamang kapitalista.
Nanginginig na naman ang lamesa,
Papalapit na ang huling pirma.
Kung pagtatapos ito ng mga manggagawa,
Galit ang kanilang diploma.
Inabusong lakas ang matrikula.
MINSANG WALANG UMAGA
May mga umagang hindi sumasapit.
Ikinukubli ng dilim ang mga piling
Bukang-liwayway. Gabi pa rin
Ang tatapos sa gabi.
Wala na munang umaga.
Nakabalandra sa kalsada
Ang mga dahilan kung bakit
Ito pinipili ng tadhana.
May mga umagang hindi sumasapit.
Hindi maitatanggi, tila bukang-
Bukang bulaklak na nangungumusta
Sa bawat putok ng araw ang mga dahilan.
Wala na munang umaga.
Naglulustay nang walang iniisip
Na bukas ang gabi. Naglululong
Sa bisyong patayin ang bawat maaabutang
umaga.
May mga umagang ito ang sinasapit,
At hindi na natin muling maibabalik.
SANGG L
Aanurin sa ilog,
Ihahatid sa dagat,
Magiging bagyo.
Likido mong sinalubong
Ang mahabang lakbayin,
Hangin kang magpapasalin-salin
TUTURUAN TAYO
Pagkatapos tayo turuan ng pag-ibig
Kung paano ang umibig. At saka
Ito magbibigay ng mga bagay
Na mahirap ibigin. Susubukin
Tayo, na sa totoo lang ay subok na ng panahon,
Datapuwa‟t hindi ng mga ganitong pagkakataon.
Hindi itinuro ng pag-ibig
Ang magturuan,
Ngunit laging sa ganito natatapos
Ang usapan.
Malulunod tayo sa galit,
Kapag wala nang hininga,
Pipiliin natin muli ang pag-ibig
Upang mabawi ang sarili sa kamatayan.
FACE MASK
Alam mo ang gusto ko sa ganitong klase ng
pag-ibig,
Mas lumalapit ako sa iyong bibig
Kapag delikado ang paligid.
Kapag walang kasiguraduhan ang bawat araw,
Doon mo lamang ako pinapayagan dumalaw.
Oo nga‟t malapit sa labi,
Ngunit hindi halik.
“Sino ako para humiling ng halik?”
Alam mong gusto ko ang ganitong klase ng
pag-ibig.
Kahit pa naaalala mo lamang ako kapag
delikado ang paligid.
At masaya akong nakahihinga ka nang
maluwag,
Habang nanunuot sa akin ang sakit.
SCROLL
Ang pála sa „ting kamay,
Kay lalim kung humukay.
Kahahanap sa bangkay,
Oras ang namamatay.
Sa ibabaw
Ng Cubao,
May umibig
Sa pusikit.
Sa dilim
Nagliwaliw.
Sa talim
Naglambing.
Sa ginaw nahimbing,
Sa apoy nagising.
Mga mangingibig
Na sa gutom sumisisid.
Sino bang malinis
Sa sistemang mapanganib?
Dito ka lang,
Sa „kin mo ipagkatiwala.
„Di ka lilisan,
Sila pa rin ang may sala.
“Maligayang kaarawan!”
—„Lang Law
KAY HENERAL
Bihira ang katapusang sinusundan
Ng simula. Madalas ay hindi matapos-
Tapos na pangungulila ang kapalit
Ng lumilisan. Parang halamang
Uhaw sa pusod ng disyerto—
Ni hindi makagawa ng hakbang
Sa pang-aapi ng umaalong buhangin
At nagsusungit na araw.
Parang ibong walang lupaing
Maibigan, pinagdadamutan
Ng madarapuan
O agiw na hindi makapiglas
Sa yakap ng mga pader—
Ni hindi makakibo sa lalim
Ng mga sugat na inukit
Ng umalis.
Isang salaysay na nalulumbay
Sa iisang tuldok.
HINDI KO PA RIN MAWARI
May langgam ang nagtangkang makiinom
Sa aking bagong timplang kape.
Pinagmamasdan ko lamang
Ang kan‟yang pagpupursigi
Sa paggalugad ng daan
Tungo sa bunganga ng basong
Ineregalo mo.
Tiniis ko ang pangangati
Ng lalamunan. Pinanood ko
Ang paraan ng munting
Nilalang sa pagtuklas
Sa aromang siguradong dahilan
Kung bakit siya naririto
At nagnakaw ng kaniyang
Hindi pagkakuntento.
Hindi ko na lamang mawari,
Kung saan siya nabigo,
Sa init ba o sa pagkalunod?
Palutang-lutang. Binigyang pugay
Ng aking kutsara ang kaniyang kamatayan.
Inilapat ko sa bibig ang bunganga
Ng basong tanging naiwan mo sa akin.
Hindi ko pa rin mawari
Kung saan ako nabigo,
Sa init ba o sa pagkalunod?
TANONG
Palaging ipinapahid sa balita
Ang mukha ng maralita.
Karukhaang tumatawid
Sa pagitan ng mga linya.
Ipinaliliwanag sa kung sinoman
Ang kanilang pagpapakasakit.
Sa mga kolum ay ipinipiit,
Sa mga pahina‟y iniipit.
"Hindi kami kuhaan
Ng inyong materyal.
Kami‟y tanong na nanatili
Sa tambakan ng mga pangako."
"Paanong makalalaya?
Kung ang may kayang bumili
Ng dyaryo, telebisyon, at radyo
Ay sila-silang hindi kami binabasa."
BATIS
Bakit kung kailan malalim ang dilim?
At saka nararating ang batis
Ng talinghaga, ng harayang
Kanina pa hinahagilap
Sa ekta-ektaryang gubat.
Nakaliligaw ang utak
Na may daang sala-salabat.
Walang kasiguraduhan ang pagliko.
Pinagduduhan ang kaligtasan
Sa tuwing humihinto.
Maingat sa bawat hakbang,
Lalo na't ang hinuhuli ay hindi kumikinang
Na ginto. Tanging lagaslas lamang
Ang palatandaan ng hinahanap.
KUNG MAY PUSO ANG BARIL
Malamang ay umibig ito
Nang higit sa paraan ng tao.
Baka...matigil ang nakatakda
N'yang gampanin na pumaslang
Na parang walang naaaninag na kaba
O magwakas na ang paglikha n'ya ng patay.
Kung may puso ang baril,
At walang may utak-pulbura,
Baka...umibig ito nang mas may-lalim
Higit sa kayang maabot ng mga bala.
SANDAMAKMAK©2020. Karapatang-ari ng awtor.