Download - ANG BULAG NA MUSIKERO
ANG BULAG NA MUSIKERO
Dulang Pampelikula
Page 2 of 72
BLACK SCREEN
LUNA (V.O.)
Ang mata ay parang lens ng kamera. Ang
nakikita ng unang layer nito ay kabaligtaran
ng tunay na imahe. Pagdating ng mensahe ng
optic nerves sa utak, saka lamang naitatama
ang imaheng ito.
FADE IN:
SEQ1. INT. MALL – TANGHALI - ESTABLISHING
Hitik sa tao ang mall. Parang mga bubuyog na nagkukuyog sa mga
nakabalandrang sale items.
Mapapangiti ang isang batang babae, si LUNA, 13. Dadaanan lang niya ang
mga items na naka-sale hanggang makarating sa isang travel agency.
Titingnan niya ang mga posters ng Paris, New York at Tokyo na nakapaskil sa
salamin. Ididikit niya ang mukha sa salamin upang makita ang pangyayari sa
loob ng agency. Magmamarka ang hininga niya sa salamin.
Page 3 of 72
Sa loob ng travel agency, mapapansin siya ng isang ahente. Papaalisin siya.
May customer na lalabas ng pinto bitbit ang ilang promo flyers. May
dalawang flyers na mahuhulog sa sahig. Pupulutin ito ni LUNA.
May maririnig siyang tugtugan. Aalis si LUNA at pupuntahan ang pinangga-
galingan ng musika.
SFX: GUITAR MUSIC
SEQ2. INT. FOOD COURT NG MALL - TANGHALI
Sisiksik si LUNA sa mga usisero hanggang makarating sa harapan. Isang
blind rondalla ang tumutugtog.
Kabisado ni LUNA ang lyrics kaya’t mapapasabay din siya sa pagkanta.
Pagkatapos ng performance, lalapit si LUNA kay SER, 74.
LUNA
Lolo, kain na po tayo.
Page 4 of 72
SER
Luna, kangina pa kita pinapahanap.
Saan ka ba nagsusu-suot? Kumakalam na
ang sikmura ko. Hanapin mo na si Blessie
at gutom na ako.
Lalapit si BLESSIE, 45, na may dalang mga supot ng pananghalian. Isa-isa
niya itong ilalagay sa kandungan ng mga bulag.
BLESSIE
O, eto ang pananghalian.
(Inis)
Tsk. Wala pang laman ang donation box, a.
Sabado pa naman at may sale.
Titingnan ni BLESSIE ang mga bulag na tahimik na nakaupo sa kanyang
harapan. Babaling ang tingin niya sa isang miyembro na nakaupo sa may
likuran ng grupo.
Page 5 of 72
BLESSIE (CONT’D)
Maia, alisin mo muna ‘yang salamin
mo at itali mo ang buhok mo. Dito
ka na sa harap umupo.
Tatayo si MAIA, 23, mula sa likuran at marahang lalakad sa harap gamit ang
mahabang patpat. Uupo siya sa harapan ng grupo. Aayusin muna niya ang
mahabang buhok bago alisin ang malapad at itim na salamin.
Lalantad ang mga lubog na talukap ng kanyang mga mata at ang lapnos at
kulubot na balat sa mukha.
Iiling at magbu-buntong hininga si SER. Tatawagin niya si LUNA.
SER
Luna, kuhanin mo yung jacket ko at nilalamig ako.
LUNA
Opo, Lolo.
Page 6 of 72
Kukuhanin ni LUNA ang jacket ng lolo at isusuot kay SER. Sa laki ng jacket at
sa patpating hubog ng katawan ni SER, magmumukhang naka-hanger ang
jacket sa balikat niya.
Sa background, makikitang nag-uusap ang ibang rondalla members.
Abala si LUNA sa pag-aasikaso sa lolo niya. Bubuksan ni LUNA ang supot ng
kanin at ulam at tutulungang kumain ang lolo. Titingnan lang ni LUNA ang
donation box.
May maghuhulog ng piso.
SEQ3. INT. MALL – LOTTO KIOSK – GABI
Mahaba ang pila sa tayaan ng lotto.
Sa may harapan ng pila, nag-uusap ang mag-lolo. Sasabihin ni SER ang anim
na numero na gusto niya at mabilis na mamarkahan ni LUNA ang hawak na
tiket.
SER
Otso, katorse, beinte-tres, trenta, kuwarenta’y
singko, kuwarenta’y siyete. Nakuha mo ba lahat?
Page 7 of 72
LUNA
(pabulong na bibilang)
Opo, Lolo. Ito na ‘yun! Mananalo na tayo! Naku,
‘pag nanalo po tayo, mapapagamot ko na kayo!
Makakakita na kayo ulit!
SER
Shh.. huwag ka masyadong maingay.
Mamalasin tayo niyan, e.
LUNA
(di makikinig)
Tapos papasyal po tayo sa malayong lugar!
Sasakay tayo ng eroplano!
Lilingon ang matandang babaeng nakapila sa harapan ni LUNA.
BABAE
Sana nga at magdilang anghel ka.
Uusad ang pila.
Page 8 of 72
SER
Eh paano tayo mananalo n’yan kung salita ka
nang salita? Pwede ba, itaya mo na.
Ibibigay ni LUNA ang Mega Lotto tiket at ang bayad sa babaeng nasa kiosk.
SEQ4. EXT. KALSADA – GABI
Naglalakad pauwi si SER at si LUNA. Madilim na ang paligid. Makakakita
si LUNA ng mga bituin at mahuhuli ito sa paglalakad.
SER
Luna? Luna?
LUNA
Po? Andyan na po, lolo.
Hahabol si LUNA kay SER. May ilalabas na plastic bag si SER.
SER
May nakikita ka bang basurahan?
Page 9 of 72
LUNA
Andito po sa may kanan ninyo.
Sisimulan ni LUNA halukayin ang basurahan gamit ang walking stick ni SER.
Tahimik na maghihintay si SER habang nilalagay ni LUNA ang mga
nakuhang plastic at bote sa plastic bag.
Uubo ng malakas si SER.
LUNA
Ok na po.
SER
O, bakit ang bilis naman? Tapos na? May pera
sa basura, Luna. Tandaan mo ‘yang mabuti.
Huwag na huwag mo ikakahiya ‘yan.
LUNA
‘Lo, alam ko naman po ‘yon.
Pero pagod na po kayo at gabing-gabi
na. Umuwi na po tayo at inuubo na kayo.
Page 10 of 72
SER
Ituloy mo lang ‘yan, Luna.
Sayang din ‘yan.
Titingin sa paligid si LUNA. Manlalaki ang kanyang mga mata.
LUNA Ayun pa! Sa may labas ng restaurant! Sandali
lang, ‘lo, at kukuhanin ko.
Matiyagang pupulutin ni LUNA ang mga basyo. Babalik siya kay SER bitbit
ang nagkikiskisang mga basyo sa plastic bag. Maglalakad silang muli.
Magpapatuloy ang paghahanap ng mga boteng pwede ibenta.
SEQ5. EXT/INT. BAHAY NI SER SA SQUATTER’S AREA – GABI
Bababa ng tricycle si LUNA. Aalalayan niya si SER sa paglabas nito sa
sasakyan.
May mga tambay na nag-iinuman at nagtatawanan sa kanto.
Aakayin ni LUNA si SER sa makipot na iskinita.
Page 11 of 72
LUNA
Lo, kailan po tayo pupunta sa Baguio?
SER
Tayo? Hindi pa nga ako nakapag-desisyon
kung isasama kita.
LUNA
Pero ‘lo, di pa ako nakakalabas ng
Maynila tsaka sino ang mag-aalaga sa inyo?
SER
Aba, sa tingin mo ba’y hindi ko kayang mag-isa
ng ilang araw? Hindi pa ako tuluyang bulag,
Luna. May mga naaaninag pa akong anino.
(beat)
Kakanta lang naman kami doon sa kasalan ng
kamag-anak ni Blessie tapos uuwi na. Hindi na
kami lilibot pa. Wala naman kaming makikita!
Aba, di hamak na mas maganda ang Baguio sa
aking imahinasyon!
Page 12 of 72
Uubo si SER at hahagurin ni LUNA ang likuran nito.
LUNA
Maganda po ba dun? May magandang
tulay ba dun? Parang yung nakita
kong larawan dun sa travel agency,
Golden Gate Bridge po ‘ata yun?
Titigil sa paglalakad si SER.
SER
Ano ba ‘yang pinagsasabi mo? Wala
‘ata sa Pilipinas ‘yan?
LUNA
Sa San Francisco po. Sa Amerika.
Maglalakad muli si SER.
SER
Sa Baguio, may paliku-likong daan…
malamig at sariwa ang simoy ng hangin,
Page 13 of 72
may mga punong matataas. Walang
gintong tulay…
(mahinang boses)
Mararating nila ang pinto ng munting bahay. Papasok na si SER habang si
LUNA naman ay titingin sa mga kumikislap na bituin.
SEQ6. INT. BAHAY NI SER SA SQUATTER’S AREA – GABI
Tutulungan ni LUNA si SER na magpunas at magpalit ng damit. Pagod at
mainit na ang ulo ni SER habang inaayusan siya ng apo. Hihiga at matutulog
na ito.
Kukuhanin ni LUNA sa isang bag ang mga nakuha niyang mga papel sa
travel agency na may nakasulat na SPECIAL PACKAGE TOURS.
Titingnan niya ang mga larawan – mga makukulay na templo at namumuting
bundok ng Japan - hanggang unti-unti siyang makakatulog.
Sa may tabi ng higaan ni LUNA, makikita sa pader ang nakapaskil na mga
flyers na may mga larawan ng kilalang tourist spots sa ibang bansa.
Page 14 of 72
BLACK SCREEN
LUNA (V.O.)
Ang mga mata ay may kakayahang
sumala ng tubig. Kapag hindi gumana ito,
magkakaroon ng pressure sa optic nerve.
Hindi mararamdaman ang mabagal at
patuloy na pagkasira ng mata.
SEQ7. INT. LIGHT RAIL TRANSIT STATION – CARD ISSUANCE AREA - UMAGA
Close-up sa mga mata ni SER na may katarata. Naka-upo na ang ibang
rondalla members.
Ilalabas ni BLESSIE ang donation box pero bago niya ilagay ito sa harapan ay
maghuhulog muna siya ng kaunting barya.
Inaasikaso ni LUNA si SER. Maingat na ilalabas ni LUNA ang gitara sa itim
na lalagyan nito at ipapatong niya ang instrumento sa nakabukas na mga
palad ni SER.
Makikinig si LUNA sa pag-uusap ng dalawang miyembro ng blind rondalla --
sina NOG, 30, at MAIA.
Page 15 of 72
NOG
Ang ganda mo naman ngayon, Maia.
Lalo kang gumaganda sa pagdaan ng
mga araw.
MAIA
Naku, lubayan mo nga ako, Nog.
Di ka lang pala bulag, bolero ka pa.
Matatawa si NOG. Parang bumbilyang umilaw ang mga ngipin nito sa kutis
niyang maitim. Sa kanyang kandungan, hawak na niya ang hugis peras na
piccolo bandurya.
Ilalapat niya ang mga daliri sa kwerdas at tutugtog siya ng isang harana.
Uulit-ulitin niya ang pangalan ni MAIA.
NOG
O Maia… O Maia… Sa gabing madilim,
sa gabing madilim… wangis mo’y bituin sa
langit… O, Maia…
Page 16 of 72
LUNA (V.O.)
Si Kuya Nog. Anak ng isang itim na Amerikanong
sundalo at pinay. Pinabayaan na lamang daw
siya nang malaman ng mga magulang niya ang
kapansanan niya.
MONTAGE
1. Mabubulabog ang mga madreng nakaluhod at mataimtim na
nagdarasal. Didilat ang kanilang mga mata. Magugulat sa iyak ng bata.
SFX: IYAK NG BATA
2. Umiiyak ang isang maitim na batang uhugin na nakataas ang mga
kamay na parang may inaabot sa langit.
END OF MONTAGE
Ididiin ni MAIA ang mga daliri sa kwerdas ng gitara at magpa-praktis ng
ilang chords.
Page 17 of 72
LUNA (V.O. CONT’D)
Si Ate Maia. Nanilbihan siya bilang katulong sa
isang retired na pulis. Nagustuhan siya at
pinagtangkahan ng masama. Nang tanggihan
siya ni Ate Maia isang gabing lasing ito,
binuhusan siya ng kumukulong tubig sa
mukha.
MONTAGE
1. Babaeng natutulog.
2. Isang lasing na lalaki ang lalapit sa kanya at magsisisigaw.
3. Bubuhusan ng kumukulong tubig sa mukha si MAIA.
4. Tatawa ang lalaki.
END OF MONTAGE
Maglalabas ng gusgusing kuting si ADOR, 40, sa kanyang belt bag.
Ngingiyaw ang kuting.
Page 18 of 72
ADOR
Hello, kamusta ka na? Nainitan
ka ba sa loob?
Hihipan ni ADOR ang balahibo ng maliit na kuting.
ADOR (CONT’D)
O ayan! Aircon!
BLESSIE
Hoy, Ador, ano na naman ‘yan? Saan mo naman
napulot ‘yan?
Tatakpan ni ADOR ang dalawang tenga ng kuting.
BLESSIE (CONT’D)
Naku… tsk! Pwede ba magpasok ng hayop dito sa
LRT? Ang dumi-dumi!
ADOR
It’s Adora, not Ador. Ay, pabayaan
mo nga ako sa mga alaga ko. E, sino
Page 19 of 72
pa mag-aalaga nito?
Kawawa ka naman, di ba, Piolo?
NOG / MAIA
Piolo?!
(tatawa)
Panggigigilan ni ADOR ang kuting.
LUNA (V.O. CONT’D)
Si Kuya Ador. Dala daw ng maselan na
impeksiyon sa mata ang pagkabulag niya. Isang
araw, pagkagising niya, wala na ang kinakasama
niya. Iniwan na siya.
MONTAGE
1. Mag-isa sa kama si ADOR, umiiyak.
2. Mag-isa din siyang kumakain.
3. May pusa na iikot sa kanyang binti. Kukuhanin niya ito at yayakapin.
END OF MONTAGE
Page 20 of 72
Patuloy ang paghahanda ng rondalla.
CUT TO:
Close-up sa isang bakanteng upuan na may nakapatong na octavina.
LUNA (V.O. CONT’D)
Meron pang isang miyembro ng rondalla, si Kuya
Pip. May mga tumor daw ang kanyang mga mata
kaya siya nabulag. Magaling siya kumanta. Nang
malaman niya na may kanser siya, hindi natinag
ang kanyang pagnanasang mag-perform. Sa tingin
ko, pumanaw siya na payapa ang kalooban. Alam
ko na kumakanta na siya ngayon sa langit.
O.S. - Pumanaw si PIP na kasama ang mga kaibigan. Nakangiti ito sa huling
sandali ng kanyang paghinga.
CUT TO:
Nagpe-perform na ang blind rondalla. Isang inspirational na kanta.
Gaya ng nakagawian, gagala si LUNA.
Page 21 of 72
MONTAGE:
1. Mga food stalls sa LRT
2. Mga tao na nakapila sa ticket booth
3. Mga tao na gumagamit ng ticket vending machine
4. Guard na nag-i-inspect ng mga bag.
5. Sa overpass, nakatingin si Luna sa langit. May dadaan na eroplano.
Masisilaw siya sa sinag ng araw.
SFX: TUNOG NG EROPLANO
END OF MONTAGE
SEQ8. EXT. OVERPASS – HAPON
Dadaan si BLESSIE. May mga bitbit ito na plastic bags. Makikita niya si
LUNA na pinapanood ang mga kotseng dumadaan.
BLESSIE
O, Luna, andyan ka pala. Tulungan mo nga ako
dito sa mga pinamili ko.
Page 22 of 72
LUNA
Opo, Tita Blessie. Ano po ba ang mga ito?
Kukuhanin ni LUNA ang ilang plastic bags sa kamay ni BLESSIE. Ipapahid ni
BLESSIE ang sleeve ng blusa niya sa namuong pawis sa noo.
BLESSIE
Bumili ako ng mga magkaka-parehong kulay na
polo at blouse dyan sa may ukay-ukay. Para
naman may ternong damit ang grupo.
Ilalabas ni BLESSIE ang isang blouse sa supot at ipapagpag sa harapan ni
LUNA. Babahing si BLESSIE sa alikabok.
BLESSIE (CONT’D)
Tingnan mo, maganda di ba? Ang tingkad pa ng
pagka-green. Ipapa-silk-screen ko na lang ang
“BLESSINGS FOR D’BLIND RONDALLA ”
dito sa may harapan…
Page 23 of 72
LUNA (V.O.)
Si Tita Blessie. Siya ang nagbuo ng grupo. May
tatlo pa siyang grupo ng mga blind rondalla.
Dati siyang music teacher. Ngayon, ibinubuhos
na lang niya ang oras niya bilang manager ng
mga blind rondalla. Di naman kalakihan ang
kita. Basta’t tuwing may tugtog kami,
may P200 si lolo.
BLESSIE
Ano, Luna? Napag-isipan mo na ba yung
pinag-usapan natin nung isang araw?
LUNA
Di ko pa po nasasabi kay Lolo, e.
BLESSIE
E para din naman sa kanya yun, Luna.
Mapapagamot mo na siya. Ayaw mo ba siya
bigyan ng pagkakataong makakitang muli? Hindi
lang ‘yun. Makakapag-aral ka. Uunlad kayo ng
konti.
Page 24 of 72
LUNA
Ako po ang unang matutuwa para kay lolo kung
makakakita siyang muli. Huwag kayo mag-alala,
pag-iisipan ko po, Tita.
Mauunang maglakad si LUNA kay BLESSIE. Hahabol si BLESSIE sa may
likuran nito.
BLESSIE
O baka naman natatakot ka? Sa buhay, kailangan
lang ng lakas ng loob paminsan-minsan.
(beat)
Teka, etong papel. Andyan nakasulat yung
pangalan ng tatawagan natin kung nakapag-
desisyon ka na.
Hihinto sa paglalakad si LUNA at aabutin ang dilaw na papel.
Ipapasok niya ito sa bulsa ng palda niya.
Page 25 of 72
SEQ9. INT. AIRPORT DEPARTURE AREA – DUTY FREE EXPRESS UMAGA
Masaya si LUNA. Nasa loob sila ng airport. Ang mga bulag ay naka-
uniporme ng mint green na pang-itaas. Tumutugtog na ang blind rondalla at
magka-duet si SER at MAIA.
Si LUNA ang nagpapamigay ng mga maliliit na envelope sa mga dumadaan
sa Duty Free.
May Amerikanong dadaan. Bibigyan siya ni LUNA ng envelope.
AMERIKANO
What’s this for?
LUNA
Ah, for blind? Ah, donation po?
Ituturo ni LUNA sa foreigner ang nakasulat sa envelope: “LOVE OFFERING
FOR BLIND RONDALLA”. Kukuhanin ng Amerikano ang envelope.
Papanoorin ng Amerikano ang grupo habang nakatitig naman si LUNA sa
kanya na bukas ang bibig at tila tulala sa mala-higanteng taas nito.
Sa wakas, kukuhanin ng Amerikano ang wallet sa bulsa at bubunot ng $5.00.
Page 26 of 72
AMERIKANO
Here you go, kid. Don’t spend it all at once, ok?
Lalakad paalis ang Amerikano. Susundan ng tingin ni LUNA ang papalayong
Amerikano. Mababaling ang tingin niya sa kakaibang hitsura ng pera na
hawak niya na may larawan ni Presidente Lincoln sa harap at Lincoln
Memorial sa likod. Ipapasok niya ito sa envelope at isusuksok sa donation
box.
Excited na lalapit siya kay SER pagkatapos ng kanta nito.
LUNA
‘Lo, may nagbigay po ng dollar sa atin! Five
dollars! Binigay po nung Kano.
SER
Hmph, walang kwenta. Dalawang daan lang ‘yan.
Huwag mo sayangin ang envelope. Sinabi nang
maghanap ka ng mga Arabo. Mas malaki iaabot
nun.
ADOR
Ay! Buwena mano! Nakita ba niya ako, Luna?
May hitsura ba?
Page 27 of 72
Maririnig sila ni BLESSIE. Si BLESSIE ay nakasuot din ng mint green na pang-
itaas.
May kliyente siyang minamasahe – isang matandang Intsik. Sa isa pang
upuan ay may nakapaskil na karatula: “MASSAGE SERVICE AVAILABLE”.
BLESSIE
Shh! Pwede ba, tama na ang harutan.
Magpaka-propesyunal tayo. Para parati
tayong makapunta dito.
(beat)
O, umaandar ang oras! Kantahin niyo na
yung medley.
Habang naghahanda ang mga bulag, maglalabas si LUNA ng ilang kwintas
ng sampaguita. Lalapit siya sa kinauupuan ni MAIA at isasabit niya ito sa
gitara. Maaamoy ito ni MAIA. Maririnig din niya ang mahinang tawa ni
LUNA.
MAIA
Sampaguita? Saan ‘to galing, Luna?
Page 28 of 72
LUNA
Pinapabigay po ni Kuya Nog.
(ngingiti)
Sa may likuran, walang kamalay-malay si NOG. Bahagyang mapapangiti si
MAIA. Mahahawi ang buhok niya at makikita ang mga parte ng mukha nito
na nalapnos ang balat.
Sisimulan na ni SER ang pagkanta ng isang makalumang kantang ingles.
LUNA (V.O.)
Si lolo. Severino Matias o “Ser” ang palayaw niya.
Dati kasi siyang nag-trabaho sa barangay bilang
isang katiwala ng barangay captain. Dahil malapit
siya sa barangay captain, “Ser” sa rin ang naging
tawag sa kanya. Nang matalo sa re-eleksiyon ang
barangay captain, pati siya ay nawalan ng trabaho.
SER
…I deed eet MY WAY!
Malayo na ang nalakad ni LUNA. Papanoorin niya ang mga tao sa paligid.
Page 29 of 72
MONTAGE:
1. Paalis na tao sa departure area. May Indian, Hapon, Amerikano.
2. Samu’t-saring emosyon – may umiiyak, may masaya, may deadma.
3. Sa may bintana, papanoorin ni LUNA ang eroplanong lilipad.
4. Lalapit kay LUNA ang security guard na may kasamang sniffing dog.
Babalik na si LUNA sa lugar ng mga bulag na musikero.
END OF MONTAGE
SEQ10. INT. AIRPORT DEPARTURE AREA – DUTY FREE EXPRESS – HAPON
Makikita si BLESSIE na may kausap na matandang lalaki. Magre-request ang
lalaki ng kanta at ituturo ang asawang nakatayo ilang metro ang layo sa
kanila. Bibigyan niya ng P500 si BLESSIE.
Walang atubiling pupuntahan ni BLESSIE si SER at bubulungan ito.
Si LUNA naman ay nasa isang tabi, naghihintay ng mga biyahero para abutan
ng envelope.
Page 30 of 72
BLESSIE
Ser, kantahin mo yung kundiman na WALANG
KUPAS. May nag-request. Anibersaryo daw
nilang mag-asawa at paborito nila itong kanta.
Tatango si SER at sasabihan ang mga ka-grupo. Sisimulan ni SER ang
pagtugtog sa gitara.
SER
Wala nang hahanapin pa,
Pagka’t pag-ibig mo’y walang kupas,
Pag-ibig na wagas.
Mahal, ako’y iyong-iyo --
Hihinto bigla si SER at uubo ng malakas. Itutuloy lang ni NOG, MAIA at
ADOR ang pagtugtog. Hindi titigil ang pag-ubo ni SER.
Lalapit si LUNA sa tabi niya at kukuha ng baong tubig sa bag. Habang
umiinom si SER ng tubig, si LUNA ang magpapatuloy ng kanta.
Sa simula ay mahina ang kanyang boses nguni’t pagkatapos ng isang linya ay
lalakas ang loob ni LUNA at magiging bigay-todo ang pagkanta niya.
Page 31 of 72
LUNA
… ako’y di lilisan sa tabi mo.
Pakinggan mo, aking awit,
pangakong hanggang langit.
Panginoon, ang tanging hiling,
Ikaw at ako’y magkapiling.
Papalakpak ang mag-asawa na nag-request ng kanta. Magpapahid ng luha
ang matandang babae. Nakangiti naman sina MAIA, NOG at ADOR.
May Hapon na maghuhulog ng yen sa donation box.
Samantala, hawak-hawak pa din ni SER ang kanyang dibdib at tila
nahihirapan ito sa paghinga. Hahagurin ni LUNA ang likuran ni SER. Bakas
sa mukha ni LUNA ang pagkabahala.
BLACK SCREEN
LUNA (V.O.)
Ano nga ba ang liwanag para sa isang bulag?
Alam lang nila ang init nito...
Page 32 of 72
SEQ11. EXT. BUS STOP - HAPON
M.O.S. / No Sound
Inaalalayan ni LUNA si SER pagbaba ng bus. Nakahawak sa dibdib si SER,
hirap sa paghinga. Malayo na ang nilalakad nila nang matumba si SER.
Inatake ito sa puso. Sisigaw si LUNA.
LUNA (V.O. CONT’D)
… o ang katahimikan nito.
May mga usiserong papalibot sa kanila.
SEQ12. INT/EXT. - CHARITY WARD NG OSPITAL – UMAGA
Dadating si BLESSIE sa ospital at makikita niya si Luna na tulala. Katabi niya
sa upuan ang nangungulilang gitara ni SER. Nasa harapan ni LUNA ang
isang nurse, hawak-hawak ang kanyang kamay. Paglapit ni BLESSIE, tatayo
ang nurse upang kausapin siya.
Page 33 of 72
CUT TO:
Hihilahin ni BLESSIE ang kamay ni LUNA papasok sa isang malamig at
tahimik na kuwarto. Sa harapan nila ay may isang katawan na nakasaklob ng
puting kumot. Isang attendant ng morgue ang mag-aalis ng kumot.
Makikita ni LUNA si SER. Sisigaw si LUNA at tatakbo palabas.
Hindi siya titigil ng pagtakbo at hindi rin siya lilingon sa pinanggalingan.
SEQ13. EXT. KALYE SA MAYNILA - UMAGA
Magpapalaboy sa kalsada si LUNA. Ayaw nito umuwi. Sa may overpass,
makikita siyang gusgusin at iyak ng iyak. Mariin niyang kinakagat ang
kanyang mga labi hangga’t dumugo ito.
May magbibigay sa kanya ng tinapay.
SEQ14. EXT. BAHAY NI BLESSIE SA SQUATTERS AREA - GABI
May lamay sa labas ng bahay ni BLESSIE. May mga taong nakaupo, may
nagdarasal, may umiinom ng kape. Pati mga tambay sa kanto ay
nakikiramay.
Makikita si LUNA ilang metro sa lamay, astang balisa at nag-aalinlangan.
Page 34 of 72
Dahan-dahan siyang lalapit sa isang puting kabaong. Simple lang ito at
walang anumang disenyo. Nakapatong sa kabaong ang larawan at gitara ni
SER.
Mapapalingon sa kanya ang mga taong nakikiramay. Makikita siya ni
BLESSIE.
BLESSIE
Luna!
Nakatingin pa din sa kabaong si LUNA.
BLESSIE (CONT’D)
Naku, ang pinakamurang kabaong ay eight
thousand. Ten thousand naman yung nitso pero
hanggang limang taon lang pwede gamitin. Sa
ospital naman, halos ten thousand din. Di ko
naman pwede pabayaan ang lolo mo. Nakautang
ako sa kapitbahay at may ibang nakuha sa abuloy.
Tumulong din yung mga taga-barangay at sina
Nog, Ador at Maia. Pa’no ba ‘yan, Luna? Siguro
dapat pumayag ka na dun sa pinag-usapan natin.
Ayoko naman mabaon sa utang…
Page 35 of 72
Tulala si LUNA. Sa may harapan, tatayo si MAIA at hahakbang palapit kay
LUNA gamit ang kanyang mahabang patpat. Aabutin niya si LUNA at
aakbayan niya ito.
LUNA
Hindi ko na po alam kung saan ako pupunta.
Hindi ko po alam kung nasaan ang mga magulang
ko. Iniwan lang po nila ako kay lolo. Ate Maia…
mag-isa na lang po ako.
(iiyak)
Hahawakan ni MAIA ang mukha ni LUNA. Makakapa niya ang mga luhang
pumapatak sa mga mata ni LUNA.
Ipupunas ni MAIA ang kanyang mga daliri.
MAIA
Luna, lahat tayo dumadaan sa pagsubok.
Masakit man na isipin na wala na ang lolo mo,
magpakatatag ka sana. Malaki ka na rin naman.
Page 36 of 72
BLESSIE
Tama, Luna. Hindi ka na bata. Mag-isip-isip
ka na.
Titingnan ni LUNA ang lolo sa loob ng kabaong.
Dadaloy na naman ang luha sa kanyang mga mata.
SEQ15. EXT. SEMENTERYO - TANGHALI
Sa libingan, ipinasok na sa loob ng 5-palapag na nitso ang kabaong ni SER.
Sa labas ng nitso, inilapat na ang lapida na may bagong pinta: “SEVERINO
MATIAS. R.I.P. DECEMBER 1, 1937 – MARCH 13, 2011”.
Titingin sa mga ulap si Luna. Nagbabanta ang ulan. Ipipikit niya ang
kanyang mga mata.
Sa may likuran, kumakanta si ADOR at naggi-gitara si NOG ng isang kilalang
kanta ng pamamaalam.
May tatawag kay LUNA, si BLESSIE.
Page 37 of 72
BLESSIE
(pabulong)
Pumunta ka sa bahay mamaya, Luna. Mag-usap
tayo. Mag-desisyon ka na.
Aatras si BLESSIE nang mapansin niya na may mga taong lumalapit kay
LUNA.
MAIA
Condolence, Luna.
IBANG BISITA
Nakikiramay kami…
Muling ipipikit ni LUNA ang kanyang mga mata.
SEQ16. INT. BAHAY NI SER SA SQUATTERS AREA - GABI
Nakatingin sa maliit na salamin si LUNA. Magulo ang kanyang buhok at
natatakpan ang kanyang mga mata. Iiyak ito at kukuha ng gunting.
Gugupitin niya ang mahabang buhok.
Page 38 of 72
Sa isang maliit na backpack, ilalagay ni LUNA ang ilang damit. Sa ilalim ng
kama ni SER, kukuhanin niya ang mga pera na nakatago doon – may P100,
P50, P20 at mga barya. Kukuhanin din niya ang mga larawan at flyers sa
pader, pati na ang lumang gitara ng kanyang lolo.
Matitigilan siya sa isang dilaw na papel.
Nakasulat dito ang pangalan ng ospital, telephone number nito at mga
salitang- “KIDNEY DONATION”.
INSERT – DILAW NA PAPEL
SEQ17. INT/EXT. BAHAY NI BLESSIE - GABI
Nakaupo sa may hapag-kainan si BLESSIE kasama ang pamilya niya.
Maliwanag sa loob at nagtatawanan ang pamilya.
Si LUNA ay nakatayo sa labas sa ilalim ng nagniningning na poste, nakatingin
lamang sa bahay ni BLESSIE. Bitbit niya ang bag at ang gitara ni SER.
Titingala upang tumingin sa may labas ng bintana si BLESSIE pero wala na
doon si LUNA.
Page 39 of 72
SEQ18. EXT. SEMENTERYO - GABI
Pupuntahan ni LUNA ang puntod ng Lolo. Uupo siya sa may harapan ng
pala-palapag na puntod at mahinang kakantahin ang kundiman na huling
kinanta ni SER.
LUNA
… ako’y di lilisan sa tabi mo.
Pakinggan mo, aking awit,
pangakong hanggang langit.
Ilang sandali pa ay makakatulog siya sa may damuhan malapit dito.
SEQ19A. INT. MALL - UMAGA
Nagse-set-up na ang “BLESSINGS FOR D’ BLIND RONDALLA”. Makikitang
apat pa din ang monoblock chairs. Sa harap nakaupo sina MAIA at NOG. Sa
may likuran naka-puwesto si ADOR at ang bakanteng upuan.
Lalapit si Luna sa kanila. Una niyang hahawakan sa kamay si Ador.
Page 40 of 72
ADOR
Luna? Ikaw nga ba?
NOG
Ha? Siya nga ba?
Yayakapin ni LUNA si MAIA.
MAIA
Oo, siya nga.
(natatawa)
Kamusta ka na? Nawala ka na naman.
Saan ka ba nagpunta?
LUNA
Dinadalaw ko po si lolo sa puntod niya. Madalas
po na ginagabi na ako ng pag-uwi sa may amin
para walang makakita sa akin.
(beat)
Nasaan na po si Tita Blessie?
Page 41 of 72
NOG
Umalis lang sandali. May inasikaso lang sa Admin.
Naku galit na galit si Blessie nung nawala ka bigla
pagkatapos ng libing.
Ilalabas ni ADOR ang puting daga na nasa loob ng kanyang bulsa at ipapakita
niya ito kay LUNA.
Tatakbo ang puting daga mula sa kamay ni ADOR hanggang makarating ito
sa balikat niya. Ngingiti si LUNA.
ADOR
Kulang pa daw yung abuloy na nakuha niya.
May twenty thousand pa daw na kailangang
bayaran.
LUNA
Kaya nga po ako nandito. Gusto ko po sabihin kay
Tita Blessie na nakapag-desisyon na po ako.
Page 42 of 72
MAIA
Anong desisyon ?
LUNA
Papayag na po ako dun sa pagbenta ng kidney.
Matitigilan sina MAIA, NOG at ADOR. Mahinahong magsasalita si MAIA.
MAIA
Luna, hindi ‘yan ang tamang paraan
para mabayaran mo si Blessie. Ang bata bata mo
pa para ma-operahan.
LUNA
Ate Maia, dapat dati ko pa ito ginawa. Napagamot
ko sana si lolo. Nakakita pa sana siya.
NOG
Huwag mo sisihin ang sarili mo, Luna. Tama si
Maia, huwag ka papayag.
Page 43 of 72
LUNA
Naiyak ko na po lahat ng maiiyak ko itong mga
nagdaang araw. Pero naisip ko na meron pa akong
pamilya – Kuya Nog, Kuya Ador, Ate Maia, kayo
na po ang pamilya ko. Gusto kong maging bahagi
pa din ng buhay ninyo saan man kayo magpunta
kaya’t gagawin ko kahit ano pa po ang ipagawa ni
Tita Blessie sa akin.
NOG
Pero hindi ito ang buhay na bagay sa iyo.
Nakakakita ka. Madami ka pang pwedeng gawin
sa buhay mo.
ADOR
Mangarap ka, Luna. Naghihintay ang madaming
posibilidad sa buhay mo.
NOG
Luna, kami man ay minsang pinilit ni Blessie na
ibenta ang bato namin.
Page 44 of 72
MAIA
Nog!
NOG
Maia, dapat makilala ni Luna ang totoong Blessie.
(kay Luna)
Kami man ay baon na sa utang kay Blessie pero
hindi kami pumayag sa gusto niya.
ADOR
Mapilit ‘yang si Blessie. Pero, ayoko talaga.
Simple man ang buhay ko, masaya naman ako.
NOG
Bulag nga ako pero hindi niya ako maiisahan.
Alam kong may mga nabiktima na siya. Mas
malaki pa ang nakukuha ni Blessie kaysa dun
sa nagsasakripisyo ng kanilang bato.
Mapapansin ni LUNA na walang kimi si MAIA.
Page 45 of 72
LUNA (KAY MAIA)
Ate Maia? Wala po akong pera na pambayad kay
Tita Blessie. Wala na rin po akong pambayad dun
sa tinitirhan namin ni lolo.
MAIA
Luna, masakit man sa akin na hindi ka makasama,
mas gugustuhin ko pa na lumayo ka na.
NOG
Huwag ka papayag na ibenta ang bato mo.
Buong-buo ka, Luna. May kinabukasan
pang naghihintay sa iyo.
MAIA
Alam ko na may plano si Ser para sa iyo. Hindi
sarili ang iniisip niya kundi ikaw! Wala na siyang
balak magpagamot. Ang balak lang niya ay
puntahan ang kakilala niyang madre sa Baguio
para itanong kung pwede ka manilbihan doon
kapalit ng pagpapatuloy ng pag-aaral mo.
Page 46 of 72
LUNA
May kakilala po si lolo sa Baguio?
MAIA
Oo. Pero ang gusto niya ay hanapin muna at
kausapin ang madre. Hindi niya muna sinabi sa
iyo kasi alam niyang hindi ka papayag na iwan
siya kahit na makabubuti ito sa iyo.
LUNA
May sinabi po ba siya na pangalan?
ADOR
Hindi niya sinabi sa amin kung sino, Luna. Pero
alam kong kaya mo hanapin yung madreng ‘yon.
(May kukuhanin sa bulsa)
Eto ang isandaang piso. Makakatulong ito sa iyo.
Mag-aabot din ng kaunting pera si MAIA at NOG.
Page 47 of 72
MAIA
Tandaan mo sana, Luna. Mahal ka namin. Parang
kapatid na ang turing ko sa iyo.
NOG ADOR
Sige na, Luna, habang Mag-iingat ka, Luna
wala pa dito si Blessie.
Tutugtog na ng bandurya si NOG. Babaling ang tingin ni LUNA sa isang
bakanteng upuan. Maaalala ni LUNA ang kanyang lolo.
FADE IN/ M.O.S. Si SER na kumakanta.
FADE OUT
SEQ19B. INT. MALL - UMAGA
Hindi pa man nakakaalis si LUNA ay mahuhuli na siya ni BLESSIE.
Page 48 of 72
Kakalabitin siya nito.
BLESSIE
Halika nga dito, bata ka.
(pupunta sa gilid)
LUNA
Tita BLESSIE, wala naman po akong balak
tumakas. Nandun lang po ako sa sementeryo.
BLESSIE
Hah? Baliw ka na ba? Anong ginawa mo doon?
Luna, patay na ang lolo mo!
LUNA
(iiyak)
Alam ko naman po ‘yun…
BLESSIE
Mamaya, tatawagan ko na si Mrs. Ismael.
Malala na daw yung anak niya at kailangan
na ng kidney transplant. Bukas na bukas,
Page 49 of 72
pupunta tayo sa ospital para makita kung
pwede kang donor. Kung di naman, madami
pa doon ang may kailangan ng kidney.
LUNA
Pero Tita Blessie…
(iiling)
BLESSIE
Walang nang pero, pero. Papaano na yung bente
mil na utang mo sa akin sa pagpapalibing sa lolo
mo?
LUNA
Baka pwede po na magtrabaho ako sa inyo.
Tutulong po ako. Kahit ano na po ang pagawa
niyo para lang po mabayaran yung utang.
BLESSIE
Naku, hindi ka pwede dito. Hindi kita
mapapakinabangan.
Page 50 of 72
LUNA
Tita Blessie, sige na po. Huwag lang po tayo
pumunta sa ospital.
BLESSIE
Luna, dalawa ang bato ng tao. Mabubuhay tayo
sa isa. Tsaka, makakatulong ka pa sa iba. Ayaw
mo ba kumita ng P35,000? Bale, fifteen sa iyo,
twenty sa akin. Ayaw mo pa ba ‘nun?
Susulyapan ni LUNA ang mga kaibigang bulag. Tumigil na sila sa pagkanta.
Magkahawak-kamay sina NOG at MAIA. Kapwa umiiling ito.
LUNA
(iiyak)
Ayoko po!
BLESSIE
Huwag ka mag-drama dito at madaming tao!
Basta’t pupunta tayo sa ospital bukas.
Page 51 of 72
Tatalikod si LUNA at akmang tatakbo. Hahablutin ni BLESSIE ang pang-itaas
ni LUNA. Biglang mapapansin ni BLESSIE ang mga tao na nakatingin na sa
kanila. Bibitiwan niya si LUNA. Aayusin ni LUNA ang nagusot na damit.
Sa huling pagkakataon ay titingnan niyang muli ang mga kaibigang bulag –
sina NOG, MAIA at ADOR. Nangungusap ang kanyang mga mata, isang
pamamaalam.
Lalakad si LUNA ng mabilis palayo sa grupo.
BLESSIE
Luna!
BLACK SCREEN
LUNA (V.O.)
Sa pamamagitan ng pandinig, pang-amoy at
sa tulong na din ng mahabang patpat, ang bulag
ay nakakarating sa kanyang patutunguhan.
Ang takot ay unti-unting napapalitan ng
kumpiyansa sa sarili.
Page 52 of 72
SEQ20. EXT. EDSA - UMAGA
Sa may hagdan ng overpass, makikitang nakaupo si LUNA at namamalimos.
Buhol-buhol ang trapik ng kotse, bus at jeep sa kalye. Maririnig ang mga
busina ng sasakyan.
Mapapansin niya ang mga vendors sa gitna ng kalye na nagbebenta ng tubig,
mani, at pahayagan sa mga drivers.
Pupunta si LUNA sa kalye at kakatok siya sa bintana ng mga kotseng
nakatigil sa trapik. Isang driver ang magbubukas ng bintana para mag-abot
ng barya.
Bago pa man makuha ni LUNA ang barya, may darating na isang babaeng
may karga-kargang sanggol.
BABAE
Hoy, teritoryo ko ‘to. Umalis ka dito kung ayaw
mo masaktan. Alis!
Matatakot si LUNA sa nanlilisik na mga mata ng babae. Maglalakad palayo si
LUNA.
CUT TO:
Page 53 of 72
Makikita si LUNA na tumitingin sa mga basurahan subali’t walang siyang
makukuhang basyo.
Makakakita siya ng bus na gagarahe sa istasyon. Ang bus ay may karatula na
“Baguio” na nakapaskil sa may harapan nito. Naalala niya ang sinabi ng lolo
niya tungkol sa Baguio.
SER (V.O.)
… may paliku-likong daan… malamig...
sariwang hangin… may matataas na puno…
SEQ21. EXT. BUS STATION - UMAGA
Papanoorin ni LUNA ang isang biyahero na bumibili ng tiket. Kukuhanin ng
lalaki ang tiket na iaabot sa kanya. Lalapitan siya ni LUNA.
LUNA (SA LALAKI)
Ito po ba ang bilihan ng tiket papuntang Baguio?
LALAKI
Ah, oo.
Page 54 of 72
LUNA
Magkano po ba ang pamasahe?
LALAKI
Kung ordinaryong bus, P445. Kung deluxe naman,
P715. Ayan o, walang nakapila, pwede ka na
bumili ng tiket.
Titingnan ni LUNA ang laman ng wallet niya at bibilangin ang pera.
Kukunot ang noo nito.
LALAKI
Abot ka pa sa biyahe ng alas-diyes.
(aalis)
Magbu-buntong-hininga si LUNA. Ibabalik niya ang wallet sa bag.
Babalik si LUNA sa kalye at may hahanapin na tindahan. Maglalakad siyang
patingin-tingin sa mga karatula.
Makakakita siya ng pawnshop. Papasok siya sa loob na hahaw-hawak ang
gitara ni SER.
Page 55 of 72
SEQ22. INT. PAWNSHOP - UMAGA
Lalapit si LUNA sa isang babae sa likod ng bakal na rehas.
LUNA
Ah… ate… ano po… gusto ko po itanong. Yung
gitara ko pwede po ba isangla?
BABAE
Akin na. Titingnan ko.
Aalisin ni LUNA ang gitara sa kanyang balikat. Dahan-dahan niyang iaabot
ito sa babae.
LUNA
Heto po.
Kakahawak pa lang ng gitara ay alam na kaagad ng babae na walang halaga
ito.
Page 56 of 72
BABAE
Hindi puwede ito. Mumurahin lang ito.
LUNA
Gitara po ito ng lolo ko. Maayos pa po ‘yan at
maganda ang tunog. Kahit P100 po?
Tatawa ng malakas ang babae sa likod ng rehas.
Ibabalik ng babae ang gitara kay LUNA. Malungkot na aalis si LUNA.
SEQ23A. EXT. KALSADA - TANGHALI
Susubukan muli ni LUNA na ibenta ang gitara sa isang lalaking nakaupo sa
gilid ng kalsada na may hawak na karatulang “BUMIBILI NG GINTO, PILAK,
OLD COINS, PAPEL DE AHENSYA AT RELOS”.
Papanoorin ni LUNA ang lalaki habang sinusubukan ang gitara. Aabutan
niya ng P50 si LUNA. Bakas sa mukha ni LUNA ang magkahalong lungkot at
panghihinayang nang iwan ang nag-iisang ala-ala ng yumaong lolo.
Page 57 of 72
SEQ23B. EXT. KALSADA – TANGHALI
Sa paglalakad ni LUNA, may makikita siyang bulag na namamalimos. Ma-
grasa ang hitsura nito. Iaalok ng bulag ang plastic cup sa mga dumadaan na
tao. Iiwasan ng mga tao ang pulubing bulag.
Mahahabag si LUNA at dali-dali niyang ilalabas ang wallet niya at
maghuhulog siya ng kaunting barya sa plastic cup.
Maririnig ng bulag ang kalansing ng barya. Ngingitian niya si LUNA.
BULAG
Salamat! God bless you!
SEQ24. EXT/INT. KARINDERYA - TANGHALI
Nakatingin si LUNA sa mga customer na kumakain. Gutom na gutom na
siya. Bubuksan niya ang wallet niya. Kukuha na siya ng P20 pero ibabalik
din niya ito sa wallet. May makikita siyang estudyante na tatayo sa upuan.
May tira pa itong kanin at ulam. Susunggaban niya ang pagkain sa iniwang
pinggan. Makikita siya ng tindera.
Page 58 of 72
TINDERA
Hoy, umalis ka diyan!
Hindi papansinin ni LUNA ang babae at patuloy siya sa pagsubo – dalawa,
tatlong beses.
Lalabas ang tindera sa counter at hahatakin niya ang pinggan kay LUNA.
Matatapon ang tirang laman nito sa mesa. Mabilis na dadamputin ni LUNA
ang natapon na ulam.
Mas lalong magagalit ang babae.
TINDERA
Aba ang kulit mo, a! Umalis ka sabi eh.
Iniistorbo mo mga customer ko!
Sa isang sulok ng karinderya, nakatingin ang isang lalaki, si PASTOR, 49.
Pinapanood niya ang kaguluhan. Hindi makakatiis at tatayo siya.
Page 59 of 72
PASTOR (SA TINDERA)
Aling Paring, tama na ‘yan!
(kay Luna)
Bata, halika dito…
Babaling ang tingin ng tindera (ALING PARING) kay PASTOR.
Titigil siya sa pagputak pero magdadabog naman sa may counter.
Lalapit si LUNA kay PASTOR. Malagkit ang tingin ni LUNA sa pansit na
nasa plato ni PASTOR.
PASTOR (CONT’D)
… anong nangyari dun sa labas?
LUNA
Kuya, gutom lang po ako talaga. Tinitipid ko lang
po kasi yung natitirang pera ko.
Page 60 of 72
PASTOR
Umupo ka dito. Ano ba pangalan mo?
LUNA
Luna po. Luna Matias.
PASTOR
Nasa’n mga magulang mo?
LUNA
Hindi ko po alam. Ang lolo ko na po ang
nagpalaki sa akin.
PASTOR
Asan na ang lolo mo?
Yuyuko si LUNA. Makikita niya ang hitsura ng kanyang mga mata sa
makintab na kutsara sa kanyang harapan. Para itong cartoon – mas malaki
ang kanang mata sa kaliwa.
Page 61 of 72
LUNA
Patay na po si lolo. Inatake po sa puso.
PASTOR
Ganun ba?
(malumanay)
Saan ang bahay mo?
LUNA
Umalis na po ako doon nung mamatay si lolo.
Wala na rin po akong pambayad dun.
PASTOR
Wala ka bang ibang mapupuntahan?
Sesenyasan ni PASTOR ang waitress. Lalapit ito.
PASTOR (CONT’D)
Ah, miss. Isa pang order ng pancit canton para
sa kanya. O, Luna, softdrink?
Page 62 of 72
LUNA
(mahihiya)
Tubig na lang po. Ah, maraming salamat po,
Kuya --
Aalis ang waitress.
PASTOR
Kuya Pastor ang itawag mo sa akin. Eh, saan ka na
ngayon? Ano balak mo?
LUNA
Gusto ko po sana pumunta sa Baguio.
PASTOR
Baguio? Ang layo ‘nun a. Ano meron ‘dun?
LUNA
May hinahanap po akong madre na kakilala ng
lolo ko. Sabi din ng lolo ko, maganda daw po
‘dun. Gusto ko po makita.
Page 63 of 72
PASTOR
O, malapit lang dito ang istasyon ng bus
papuntang Baguio! Naligaw ka ba?
LUNA
Hindi po, kuya. Naghahanap lang po ako ng
paraan para maka-ipon ng pera para sa pamasahe.
PASTOR
Magkano ang kailangan mo?
LUNA
Isandaan pa po ang kulang ko.
Tatahimik si PASTOR at pagmamasdan lang si LUNA.
PASTOR
May kamag-anak ka ba ‘dun?
Iiling lang si LUNA. Sa may counter, nanlilisik ang mga mata ng tindera.
Page 64 of 72
Padabog niyang ihahampas ang pambugaw ng langaw.
Lalabas ang kasama niyang waitress mula sa kusina na dala ang bagong order
ng pancit. Ihahain ng waitress ang plato. Maglalagay din siya ng baso at
pupunuin niya ito ng tubig.
Ganado sa pagkain si LUNA na gamit ang kutsara.
Aaliwin ni PASTOR si LUNA ng mga kuwento hanggang matapos siyang
kumain.
SEQ25. INT. KARINDERYA – TANGHALI
Makikigamit ng hugasan si LUNA. Mapapansin niya ang maliit na salamin
na nakapako sa pader.
Sisilipin niya ang kanyang hitsura sa salamin. Susuklayin niya ang buhok
gamit ang kanyang mga daliri.
Mapapatingin siya sa kanyang blouse. Babasain niya ang laylayan nito at pilit
na kukuskusin ang dumi.
Titingin siya ulit sa may salamin. Bahagyang naibsan ang lungkot sa kanyang
mga mata.
Pipilitin niyang ngumiti.
Page 65 of 72
SEQ26. EXT. SA MAY KANTO – MGA KALYE SA MAYNILA - HAPON
Susundan ni LUNA si PASTOR kung saan naka-parada ang motorsiklo nito.
Matitigilan si LUNA.
PASTOR
O, Luna, may problema ba?
LUNA
Kuya, di pa po ako nakakasakay ng motorsiklo.
PASTOR
Huwag ka mag-alala. May suot ka namang
helmet. Tsaka, maingat naman ako mag-maneho.
(beat)
Paano tayo makakapasyal n’yan kung hindi ka
sasakay?
Page 66 of 72
LUNA
Mabagal lang po?
PASTOR
Oo naman!
Sasakay si LUNA sa motorsiklo ni PASTOR. Ibibigay ni PASTOR ang helmet
kay LUNA. Kukuhanin ni PASTOR ang bag ni LUNA at itatali niya ito sa
manibela ng motorsiklo.
Pagsindi ng makina, kakapit ng mahigpit si LUNA kay PASTOR. I-re-rev up
ni PASTOR ang makina.
Pagkatapos ng ilang minuto, makikita sa mga mata ni LUNA ang tuwa sa
mabilis na takbo ng motor.
PASTOR
(sisigaw)
Ganito ang mga daan papuntang Baguio!
Sasadyain ni PASTOR na iliko-liko ang motorsiklo.
Mag-e-enjoy si LUNA sa mga pasikot-sikot na dadaanan nila.
Sisilip si PASTOR sa salamin at makikita niya ang masayang mga mata ni
LUNA. Ngingiti din si PASTOR.
Page 67 of 72
SEQ27. INT. KARNABAL – HAPON
Ituturo ni LUNA ang sasakyang eroplano sa karnabal. Gusto niyang sumakay
dito.
Bibili ng tiket si PASTOR at ibibigay niya sa kontroler. Pulang eroplano ang
pipiliin ni LUNA. Papasakayin ng kontroler si LUNA at ikakabit ang seatbelt.
Abot tenga ang ngiti ni LUNA.
Aandar na ang pambatang sasakyan at kakapit ng mahigpit si LUNA sa bakal
na manibela. Mapapatili sa tuwa si LUNA. Mapapansin niya ang mga batang
nakataas pa ang mga kamay habang nakasakay sa kanya-kanyang eroplano.
Titingin siya sa ibaba at kakaway kay PASTOR. Nakangiting kakaway din si
PASTOR.
Matatapos ang ride. Bubuksan ni LUNA ang maliit na pinto ng eroplano
kahit na naka-seatbelt pa siya. Magpupumiglas ito. Mabilis na lalapit ang
kontroler at aalisin ang seatbelt para makababa ng maayos si LUNA.
Tatakbo si LUNA kung saan naghihintay si SER. Humahangos na
ikukuwento ni LUNA ang naranasan niya.
Page 68 of 72
LUNA
Para akong lumilipad! Tataas… bababa…
tapos paikot-ikot! Muntik na nga po ako
mahilo, e! Ganun po pala sumakay ng
eroplano!
PASTOR
Kung pwede lang nga ako sumakay,
sasakay din ako.
(tatawa)
May iaabot na bote si PASTOR kay LUNA.
PASTOR (CONT’D)
O eto, inumin mo ‘tong juice.
Mukhang uhaw na uhaw ka na kasi.
Nakangiting kukuhanin ni LUNA ang bote. Iinumin ni LUNA ang pulang
inumin.
Page 69 of 72
SEQ28. INT. KUWARTO – GABI
Buhat-buhat ni PASTOR ang walang malay na si LUNA papasok sa isang
madilim na kuwarto. Ihihiga niya si LUNA sa kama. Aayusin niya ang
buhok nito.
May ilalabas siyang beer sa refrigerator at iinumin niya ito -- bottom’s up.
Pagkatapos ay titira siya ng shabu. Namumula na ang kanyang mga mata
habang pinagmamasdan ang nakahimlay na katawan ni LUNA.
Huhubarin ni PASTOR ang kanyang damit at hihiga sa itaas ni LUNA.
SEQ29. INT – KUWARTO – UMAGA
Magigising si LUNA na nag-iisa sa kuwarto. Gulo ang kanyang buhok at
wala siyang suot na damit. Unti-unti niyang mamamalayan ang nangyari sa
kanya. Makikita niya ang dugo sa kama. Sisigaw siya.
Hihiga si LUNA at iiyak. Sa may upuan malapit sa kama, pipilitin niyang
abutin ang bag niya. Nanginginig ang kanyang mga kamay. Kukuha siya ng
mga damit.
Page 70 of 72
Mapapansin niya na bukas ang zipper ng wallet niya. Malalaman niyang
wala nang laman ito. Ihahagis niya ang wallet.
Parang kinakapos siya sa paghinga.
Sa may harapan ng kama, makikita niya ang hitsura niya sa salamin. Tititigan
lang niya ang sarili habang patuloy ang pagdaloy ng mga luha sa kanyang
mga mata.
May mapapansin siya na mga basyo ng beer sa sahig. Aabutin niya ang isang
bote at babasagin niya ito sa pader. Hahawakan niya ang ulo ng basag na
bote.
Itutusok niya ang bubog sa kanyang mga mata.
Dadaloy ang dugo sa kama.
TIME LAPSE OF ONE YEAR
Page 71 of 72
BLACK SCREEN
LUNA (V.O.)
Sabi nila, mapalad pa daw ang mga bulag dahil
may mga bagay na hindi na nila kailangang
makita pa.
Ako si Luna.
SFX: GUITAR MUSIC
SEQ30. EXT – LUNETA – CONCERT AT THE PARK - UMAGA
Close-up sa mga mata. Sa likod ng mga talukap na bahagyang nakasara, wala
na ang mga mata ni LUNA.
Si LUNA ay nakaupo sa gitna ng isang malaking grupo ng mga bulag na
performers. Lahat sila ay naka-uniporme ng puti, may hawak na instrumento,
at maayos na nakahilera sa isang magarbong entablado.
Parang magandang huni ng ibon ang boses ni LUNA na masiglang nakiki-isa
sa tunog ng rondalla.
Page 72 of 72
ANNOUNCER (V.O.)
(off-mic)
Ladies and gentlemen, Ms. Luna Matias!
Sa kanyang harapan, makikitang pumapalakpak ang mga manonood. May
mag-aabot kay LUNA ng mga bulaklak.
BLACK SCREEN
LUNA (V.O. CONT’D)
Ako si Luna. Ako ay isang bulag.
-WAKAS-