bisyon ng bagong daigdig: pagsusuri sa nobelang ang ginto sa makiling ni macario pineda

8

Upload: emmanuel-villajuan-dumlao

Post on 15-Dec-2015

236 views

Category:

Documents


29 download

DESCRIPTION

Sa unang tingin, ang nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda ay nakatuon lamang sa palasak na tema ng pag-ibig. At kung gayon, wala rin itong ipinag-iba sa marami pang kuwentong sinulat niya at lumabas sa iba’t ibang magasin noong huling bahagi ng dekada 40.

TRANSCRIPT

Page 1: Bisyon ng Bagong Daigdig:  Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda
Page 2: Bisyon ng Bagong Daigdig:  Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

Bisyon ng Bagong Daigdig: Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

Emmanuel V. Dumlao

Sa unang tingin

Sa unang tingin, ang nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda ay nakatuon lamang sa palasak na tema ng pag-ibig. At kung gayon, wala rin itong ipinag-iba sa marami pang kuwentong sinulat niya at lumabas sa iba’t ibang magasin noong huling bahagi ng dekada 40.

Sa ganitong pagbasa, malamang na husgahan ang naturang akda bilang eskapista, isang nobelang nagbubunsod ng pagtakas sa salimuot ng panlipunang realidad. Lalo pa nga’t ni hindi man lamang nito sinaling ang kalagayan ng bansa noong nabanggit na panahon. Panahon ito na sinasalanta ng digmaang Amerikano-Hapon ang bansa, panahong sinusupil ng Estados Unidos ang mismong mga mamamayan at grupong kaakbay nito sa paglaban sa Hapones, panahong naghahari-harian ang mga panginoong maylupa at ang kanilang goons at konstabularya.

Maaaring sabihing ano nga ba naman ang aasahan kay Pineda na hinubog ng eskapistang kulturang dala ng mga Amerikano sa bansa. Ipinanganak si Pineda noong 1912 at edukasyong kolonyal ang kanyang sinuso. Kabilang siya sa sinasabi ni Renato Constantino Sr. na “bagong henerasyon ng mga Filipino na nag-aral ng buhay ng mga bayaning Amerikano, umawit ng mga awiting Amerikano, at nangarap ng niyebe at Sta. Claus”. (Santillan at Conde, 1998, p. 206) Sa katunayan, sa wikang Ingles unang nagsulat at nakilala si Pineda. Kabilang sa mga kuwento niyang inilabas ng Graphic ang “Five Minutes” at ang “Auntie Writes the Ending”, na ayon sa editor ng naturang magasin na si A. C. Fabian ay maituturing na mga akdang mataas ang uri. Teknik sa kanluraning pagsulat ang tuon ng naturang papuri. Ayon nga kay Soledad Reyes (Pineda, 1990), “waring higit na nahaling si Pineda sa paggamit ng teknik kaysa pagpapahayag ng isang pangkalahatang bisyon ng magkakaugnay na aspeto ng pansariling karanasan.” (p. 13) Tinutukoy ni Reyes sa obserbasyon niyang ito ang unang bahagi ng kasaysayan ng awtor bilang manunulat.

Maging sa mga kuwentong Tagalog ni Pineda ay ganito rin ang tabas ng pagsusuri. Halimbawa, ayon kay Clodualdo del Mundo:

Si Pineda ay hindi lamang nagpapakilala ng kasanayan sa pagbalangkas ng isang tunay na maikling katha; pinatutunayan pa rin niya ang kaniyang kabihasnan at kataimtiman sa paglikha ng mga tauhang katutubo sa ating mga nayon. Siya’y isang matapat na tagapaglarawan ng buhay-nayon at mga tauhang doon nag-ugat ang mga buhay. (Gonzales, Marin, Rubin, 1982, p. 232)

Page 3: Bisyon ng Bagong Daigdig:  Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

Lalong titibay ang pagtinging tiwalag sa salimuot ng realidad panlipunan ang mga akda ni Pineda kapag isinaalang-alang ang kanyang personal at pampamilyang sirkumstansya sa konteksto ng kalakarang pampanitikan ng kanyang panahon. Pito ang kanyang anak, nagkasakit siya ng tuberkulosis, pinaghinalaan siyang kasapi ng mga gerilya. Dumating ang panahong sa pagsusulat na lamang nanggagaling ang kabuhayan ng kanyang pamilya. Hanggang pati nga pagsulat ng ‘kapalaran’ ay kanya na ring pinatulan. Bunsod ng ganitong sipag sa pagsusulat, inakusahan siya ni Agoncillo na, “lumihis ng landas at nagtayo ng pagawaan ng kuwento at nobela sa kanilang tahanan.” (Pineda. 1990, p. 21) Batay rito, maaaring mahaka na ang konsiderasyon na lamang ni Pineda ay malathala upang kumita. Samakatwid, nagsusulat siya ayon sa panlasa ng mga editor ng mga magasing naglalathala ng kanyang mga akda, gaya ng Liwayway, Ilang-Ilang, Aliwan, atbp. At kung ganoon ay kauna-unawa nga na magtuon na lamang siya sa mga palasak na paksa at pamamaraan ng pagkukuwentong kinasanayan ng mga mambabasa na ang pagtangkilik ay napakahalaga sa pananatili ng isang publikasyon. Kung gayon, maging ang pagpapasya ni Pineda na talikdan ang Ingles at magsulat sa Tagalog ay maituturing na isa lamang tulak ng pagtugon sa kalam ng tiyan.

Inilathathala ang Ginto sa Makiling noong 1947, panahong nililiglig ng ligalig ng krisis sa politika, gutom, pangangamkam ng lupa, patayan, at iba pang porma ng karahasan ang bansa, partikular ang Gitnang luson. Taga-Malolos si Pineda at saksi siya ligalig na ito. Hindi maaaring makakatakas sa sensitibo niyang kamalayan ang samutsaring kaisipan at pagpapahalaga mula sa iba’t ibang kampo at paksyon ng lipunan.

Ayon kay Soledad Reyes (Pineda, 1990), ang awtor ay aktibong kasapi ng mga gerilya laban sa Hapon. Maaari nating itanong kung gayon: Bakit napakatiwalag naman ng mga akda ni Pineda sa realidad ng ligalig na ito? Maging ang mga kuwento niyang “Sinag sa Dakong Silangan” at “May Landas ang mga Bituin” na tuwirang pumapaksa sa digmaan ay salat na salat sa pagsisiwalat ng lalim at lawak ng kalupitan ng mga mananakop na Hapones. Anong klaseng gerilyang manunulat si Pineda at hindi niya pinagtuunan ng kaukulang pansin ang panlipunang realidad ng kanyang panahon? Bakit hindi hinagip ng kanyang panulat ang dagundong ng mga hayag at lihim na kilusan laban sa mga Hapon. sa mga Amerikano, at sa bagong tatag na republika? Hindi pa man napapawi ang init sa mga armas ng HUKBALAHAP na gumapi sa mga Hapones noong 1945, litaw na litaw na ang tunay na intensyon sa likod ng pangakong “I shall return” ni McArthur. Pinagdadadakip na ng USAFFE ang mga gerilya. Sa Nueva Ecija, ikinulong sina Silvestre Liwanag, Luis Taruc, Castro Alejandrino at iba pang lider ng mga

Page 4: Bisyon ng Bagong Daigdig:  Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

gerilyang lumaban sa Hapon. At sa taong ding iyon, nangyari ang isang halimbawa ng kataksilan at panunupil ng Estados Unidos sa mga Pilipino. Minasaker ang 109 kasapi ng Iskuwadron 77 ng HUKBALAHAP. Sa pamumuno ni Kolonel Adonias Maclang, na binansagang tulisaffe (Agoncillo, 1990), dinakip ang naturang mga gerilya. Walang paglilitis, pinaghukay sila ni Maclang ng libingan at ipinabaril sa kanyang mga sundalo. (Kerkvliet, 1993)

Sinundan ito ng masaker sa Maliwalu, Bacolor Pampanga at ng tinatawag na MASICO Affair sa Laguna o ang pagmasakaer sa mga inosenteng mamamayan. Ayon kay Agoncillo (1990), military police at goons ng mga panginoong maylupa ang naghahari sa kanayunan na inilarawan niyang “no man’s land” . (p. 451) Sa paningin ng isang kasapi ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB), ang kalagayan nila noon ay “kasing-sama, kung hindi man mas masahol pa, sa pananakop ng Hapon.” (Kerkvliet, 1993, p. 158)

At noong Agosto 24, si Juan Feleo, isa sa mga lider ng kapisanan ng magbubukid sa

Gitnang Luson, ay dinukot at pinugutan ng ulo. Papunta sila noon sa Maynila upang makipag-usap kina Luis Taruc nang harangin ng mga armadong kalalakihan ang kanilang sinasakyan. Kasamang pinaslang ang kanyang asawa at lima pang kasamahan. Makaraan ang ilang linggo, natagpuan ang kanilang mga bangkay sa ilog Pampanga.

Ihinudyat ng pagpaslang kay Feleo ang pagguho ng nalalabi pang pag-asa para sa

pagpapairal ng kapayapaan sa buong bansa. Limang araw pagkatapos dukutin si Feleo, sumulat si Luis Taruc kay Pangulong Roxas upang sabihin ang kapasyahan niyang sumapi sa armadong pakikibaka. (Kerkvliet, 1993)

Sa gitna ng nagsasalimbayang mga pangyayaring ito, bakit tila wala man lang ni isa sa

mga tauhan sa Ang Ginto sa Makiling ang direktang kumakatawan sa mga makabayang samahan sa Gitnang Luson – PKP, HMP, PKM, AMT, atbp.? susi ng pagbibigay-kabuluhan Sa mas masinsin at malalim na pagsusuri, makikitang ang Ang Ginto sa Makiling ay hindi lamang kalipunan ng mga teknik na mahusay na ikinamada ni Pineda. May higit pang dahilan kaysa sa mga ito kung bakit tinangkilik ito ng kanyang mga mambabasa. Totoo ang sinasabi ni Soledad Reyes (Pineda, 1990) na hindi na natin maaaring makausap pa ang mga orihinal na mambabasa ni Pineda upang alamin ang mga dahilan ng ganitong pagtangkilik. Gayunman, sabi ni Reyes, maaari pa rin nating ipaliwanag ang kabuluhan ng awtor at ng akda dahil nasa akda mismo ang susi ng pagbibigay-kabuluhan.

Page 5: Bisyon ng Bagong Daigdig:  Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

Upang mahanap at mahusay na magamit ang susing ito, kailangan munang tingnan ang nobela bilang luwal ng isang takdang pook at panahon, “in a field of conflict, where moral claims are made by various social groups”, wika nga ni Resil B. Mojares ( Kultura. 1989. p. 47) Kung gayon, ang nobelang Ang Ginto sa Makiling ay isang tiyak na tinig, na may tiyak na paninindigan at lakas. Tatlong mundong may kanya-kanyang realidad ang nilikha ni Pineda sa nobela. Una, ipinasisilip niya ang kasalukuyang mundo (1947) ng tagapagsalaysay, ang mundong nakasandig sa mga katotohanang factual at accurate, mundong umiingos sa mga sinaunang paniniwala, gaya ng tiyanak, duwende, at iba pang kababalaghan. Ito ang mundong kinukubabawan ng pragmatismo at positibismo na bitbit ng kolonyalistang Estados Unidos. Napakaikli ng paglalarawan ni Pineda sa mundong ito ngunit kaagad mararamdaman ang tagisan ng dalawang magkasalungat na pagpapahalaga. Mauulinig na rito ang subersibong kamalayan ng awtor, ang tiyak na tinig at paninindigan ni Pineda. Sa pagbukas ng nobela, ipinuwesto ni Pineda ang tagapagsalaysay, na siyang pangunahing daluyan ng kontra-kamalayang nangingibabaw sa kabuuan ng nobela, sa isang dehadong posisyon -- tagasalo ng asignaturang ayaw gampanan ng tauhang nagbabandila ng modernismong kaisipan. Higit sa usapin ng husay sa paggamit ng teknik sa pagkukuwento, ang ganitong kamada ay nagpapakita ng malalim na ugnay ng awtor sa kamalayan at tradisyon ng kanyang mambabasa. Hinuli niya rito ang paghuhugpong ng katutubo at Kristiyanong pagpapahalaga na buhay na buhay sa kamalayan ng mga Pilipino: ang paniniwala sa mga “kababalaghan” at ang kababaang loob. Sa Pasyon at Rebolusyon, ipinakikita ni Reynaldo Ileto (1979) ang kapangyarihan ng kamalayang ito na unang nasaksihan noong 1841 nang maghimagsik ang mga kasapi ng Cofradia de San Jose, sa pamumuno ni Apolinario dela Cruz, laban sa mga Kastila. Naglakbay ang titis nito hanggang Gitnang Luson at muling umapoy bilang Kolorum at Sakdal noong dekada 30. Sa lawak at sinsin ng paglaganap nito sa Gitnang Luson, hindi malayong makasalamuha ni Pineda ang mga kasapi nito. Hindi malayong ang pananaw-mundo ng mga samahang ito ay nakipagtalaban sa sistema ng pagpapahalagang hinubog sa kanya ng kolonyal na edukasyong Amerikano. Ikalawa, inilalarawan ni Pineda sa mundong nilakhan ni Doro ang pagtatagisan ng iba’t ibang pagpapahalaga at interes. Pandayan ito ng kadalisayan ng loob, isang larangang kailangang pagdaanan ng sinumang naghahangad ng kaginhawahan at kapayapaan. Sa mundong ito sinubok ang pagkatao at pag-iibigan nina Sanang at Edong. Ipinakita rito ng awtor ang tunggalian ng kabutihan at kasamaan: ng kadalisayan ng loob, pakikiramay, at katapatan (sa katauhan nina Doro, Sanang at Edong, Kabisang Indo, Nanong Balabal, atbp.) laban sa makasariling paghahangad, karumihan ng budhi, at kataksilan (sa katauhan nina Sebio, ng binatang taga-Santol, atbp.)

Page 6: Bisyon ng Bagong Daigdig:  Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

Sa bahaging ito, binulatlat ni Pineda ang bulok ng kanyang panahon, sa isang pailalim na ulos. Ang paglalarawan niya ng karahasang idinulot ng labanan sa pagitan nina Kabisang Indo at ng mga taga-Santol ay tila isang lohikal na debelopment lamang sa kabuuang balangkas ng nobela – may naagrabyado, may gumanti. Sa unang malas, natural na daloy lamang ito ng istorya. Ngunit kapag binasa sa konteksto ng kalagayan ng bansa, partikular ng Gitnang Luson noong huling bahagi ng dekada 40, isa itong matalas na pahayag ng pagkadismaya sa kaayusang panlipunan ng nabanggit na panahon. Kapansin-pansin sa nobela, lalo na sa bahaging ito ng pisikal na komprontasyon ng mga tauhan, ang kawalan ng politikal na istrukturang magpapairal ng regulasyon sa komunidad. Inilagay ni Pineda sa taumbayan ang pagpapasya. Nasa kanilang kamay ang batas at ang katarungan. Sa ganitong paglalarawan, hindi lamang ipinakikita ni Pineda ang aktuwal na kondisyon ng kanyang panahon kundi mas higit, inalisan niya ng lambong ang “kapayapaan” ng pacification campaign ng Estados Unidos sa bansa. Hinubaran niya ang mga pretensyon ng imperyalistikong hegemonya nito na isinalaksak sa mga Pilipino sa pamamagitan ng politika, relihiyon, edukasyon, at panitikan. (San Juan, Jr., 1996) Ikatlo, sa pamamagitan ng alamat ni Maria Makiling na inilangkap niya sa nobela, inilalahad ni Pineda ang kanyang bisyon ng isang ideal na daigdig. Sa mundong ito, tanging ang mga nagtataglay ng dalisay na loob ang nakapapasok. Pinamamahalaan ni Mariang Makiling, nakatira sa pinagpalang pook na ito ang mga bayaning nag-alay ng buhay para sa bayan. Narito rin ang tauhang nakaukit sa puso at isip ng Pilipino, gaya ng mag-inang si Sisa at si Crispin. Sa madaling salita, ang mundong ito ang kataliwasan ng kasalukuyang mundo ng tagapagsalaysay at ng mundong nilakhan ni Doro. Tahanan ito ng mga uliran at ng mga maliliit at inaapi sa kasaysayan. Ang kaligayahan ng mga nakatira rito ay

ang kanilang pagtitinginang tunay na sa mga magkakapatid. Ang kakanin ng isa’y ipakikihating walang agam-agam sa nangangailangan. Ang isang kabang palay na hiniram sa tag-ulan ay isang kabang palay ring isasauli sa tag-araw… (247)

Pinalulutang dito ni Pineda ang bisyon niya ng komunal na pamumuhay na pinamamayanihan ng pagkakapantay-pantay at kawalan ng pagsasamantala. Binibigkis ito ng diwa ng tunay na kapatiran. Sino ang makapipigil sa mga mambabasa ni Pineda na tingnan ang pinagpalang pook na ito kung saan “ang lahat ay nabubuhay sa katotohanan” bilang kritisismo sa kanilang aktuwal na kalagayan? Sinong makapipigil sa mga mambabasa na idugtong ito sa adhikain ng kilusang mapagpalaya na kanilang nakakasalamuha, kung hindi man kinabibilangan. Mas tatalas ang ganitong pagsasalikop ng nobela at ng aktuwal na sitwasyon ng mambabasa sa pahayag ng tauhang si Doro, na ng dahil sa kamusmusan at kadalisayan ng puso ay nakayapak sa pook ni Makiling:

Page 7: Bisyon ng Bagong Daigdig:  Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

Naiisip kong sa kalagayan ng ating bansa ngayon ay dapat sanang pakisalamuhain sa bayan ang mga ulirang yaon. At sa kanilang halimbawa’y akayin ang bansa sa landas ng matuwid, ng katapatan, ng kagitingan, ng katiningan ng loob sa katotohanan,,,, (p. 374)

Sa siniping pangungusap, isinisiwalat ni Pineda ang kanyang pananaw hinggil sa sistema ng pamamahala sa bansa: walang matuwid, walang kakayahan ang mga umuugit ng pamahalaan na akayin ang bansa tungo sa kaginahawahan at kapayapaan. Patay ang katapatan at kagitingan at naghahari ang kasinungalingan. Tinapos niya ang nobela sa isang tanong na binigkas ni Doro: “Kailan pa kaya mabubuksan ang mina ng ginto sa Makiling?” (p. 374) Sa tanong na ito, pinaalingawngaw ni Pineda ang madilim na larawan ng bansa at ang hamon ng pagbabanyuhay. At ang pagbabanyuhay na ito ay kayang likhain ng tao sa kasalukuyan. Hindi ito isang langit na makakamit sa kamatayan kundi isang kondisyong pagbabanatan ng buto. Malilikha lamang ito ng mga Sanang at Edong na handang isakripisyo ang personal na kaligayahan, na handang magtaya ng buhay para sa kapuwa. Mararating lamang ito ng mga Doro na may musmos at dalisay na puso. Sa ganito, walang puwang sa akda ang eskapismo; bagkus hinahamon nito ang mambabasa na kumilos tungo sa pagbabago. Naghahapag ito ng mga kongkretong pamantayang moral at etikal para sa pagpapakatao, pakikipagkapuwa, at pagbubuo ng bansa. Sa pagtatalaban ng tatlong mundong nilikha ni Pineda at ng aktuwal na kalagayan ng mga mambabasa ng Ang ginto sa Makiling, makikita ang pagsasalikop ng panitikan at realidad panlipunan. Aalingawngaw sa nobela ang dantaong tema ng pagpapakasakit, pagdadamayan, pagdalisay ng kalooban – mga pagpapahalagang nakaukit sa puso at kamalayan ng mga Pilipino. Kung gayon, nagsilbing instrumento ni Pineda ang nobela, ayon kay Soledad Reyes, upang “antigin hindi lamang ang damdamin ng publiko kundi ang kanilang isipan upang masusi nilang limiin ang kakulangan at kadahupan ng sariling buhay at karanasan.” (Pineda, 1990, p. 59) At sa mga pagliliming ganito, tumitining ang paghahangad ng tao sa kalayaan at katotohanan, ang pagsasakatuparan niya ng bisyon ng isang bagong daigdig.

Page 8: Bisyon ng Bagong Daigdig:  Pagsusuri sa Nobelang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda

Mga Sanggunian Agoncillo, T. (1990). History of the Filipino People, (8th ed). QC: GAROTECH Publishing. Gonzales, L., Ludivina Cresini-Marin, at Ligaya Tiamson-Rubin. (1982). Panitikan sa Pilipino: Pandalubhasaan.

Manila: REX Book Store. Ileto, R. (1979). Pasyon and Revolution: Popular movements in the Philippines, 1840-1910. QC: ADMU Press. Kerkvliet, B. (1979). The Huk Rebellion: A Study of Peasant Revolt in the Philippines. QC: New Day Publishers. Mojares, R. “Waiting for Mariang Makiling: History and Folklore”. 44-51. KULTURA. Vol 2, No. 4. (1999).

Manila: CCP. Pineda, M .(1990). Ang Ginto sa Makiling at iba pang mga kuwento ni Macario Pineda. Isinaayos at binigyang introduksyon ni Soledad Reyes. QC: ADMU Press. Santillan, N. at M. Conde. (1998). Kasaysayan at Kamalayan: Mga piling akda ukol sa diskursong pangkasaysayan.

QC: Limbagang Pangkasaysayan. San Juan Jr., E. (1996). The Philippine Temptation: The dialectics of Philippines-US literary traditions.

Philadelphia: Temple Universtiy Press.